TUNAY NA DIWA NG PASKO

SA kabila ng mga pagsubok na kinahaharap ng bansa – sa ekonomiya, maruming pulitika, patuloy na ­pandemya at iba pa – walang dudang tuloy na tuloy ang engrandeng pagdiriwang sa nalalapit na araw ng Pasko.

Bukod sa masaganang pagkain sa hapag-kainan na karaniwang tampok sa mga bonggang handaan, bahagi rin ng selebrasyon ang kabi-kabilang ­pagtanggap ng regalo at sobreng naglalaman ng pera.

Gayunpaman, hindi dapat limitado sa handaan at pagtanggap ng regalo at pamasko ang dakilang araw ng ­kapanganakan ni Hesukristo. Hindi rin simbolo ng Kapaskuhan ang bagong kasuotan.

Ang tunay na diwa ng Pasko ay ang aral na ibinahagi ng Panginoon na siyang tumubos sa kasalanan ng sanlibutan – bagay na angkop lang gunitain sa pagdalo ng banal na misa sa mga bahay dalanginan at hindi sa mga mamahaling pasyalan.

Ang Pasko ay hudyat ng pagmamahalan. Anomang tampuhan at ‘di pagkakaunawaan, tuldukan at ibaon sa limot. Ang panlalamang sa kapwa, atin nang talikdan. Maging mabuting huwaran sa mga kabataan, responsable sa bawat ginagawa at pagpapasya, gayundin sa pagkalinga sa kapwa.

Sa gitna ng mga pagsubok, pasibulin ang pag-asang posible lang kung sisimulan sa loob ng kanya-kanyang pamilya, barkada, katrabaho at sa kapwa tao – kilala man natin o isang estranghero.

Punuin nawa tayo ng kalusugan, kaligayahan at kapayapaan sa puso at isipan. Isang makahulugang Pasko sa lahat!

33

Related posts

Leave a Comment