DI KO GETS ni ANDREW CAYANONG (GUEST COLUMNIST)
MAKARAAN ang matagal na panahong pansamantalang pananatili sa modular tents, masasabing nakararamdam na ng liwanag ng pag-asa ang 22 pamilyang biktima ng nakaraang landslide sa Brgy. Sta. Cruz sa Antipolo City.
Sa wakas kasi, mayroon na silang ligtas at permanenteng relokasyon sa Vista Grande kung saan magiging kanila na ang lote nang libre.
Ang pagmamay-ari ng lupa ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas matatag at maayos na buhay para sa mga pamilyang ito.
Siniguro rin ang kanilang pagkakabitan ng electrical at water services, salamat sa kooperasyon ng Meralco at Manila Water.
Sa kasalukuyan, ang konstruksiyon ng kanilang mga bagong tahanan ay patuloy na isinasagawa.
Nariyan ang cash for work program kung saan makatutulong ang mga pamilya sa pagtatayo ng kanilang sariling bahay at magkakaroon sila ng kabayaran sa kanilang trabaho, katuwang ang City Engineering Office sa proseso ng konstruksiyon upang matiyak ang kaligtasan at kahusayan ng mga bagong tahanan.
Dagdag pa rito, mayroong karagdagang financial assistance mula sa cold storage na nagmamay-ari ng pader na bumagsak sa mga kabahayan ng mga biktima. Ito ay malaking tulong para sa kanilang pagbangon.
Sa pangkalahatan, ito ay isang tagumpay at nagpapatunay na sa kabila ng unos at pagsubok, mayroong liwanag ng pag-asa at pag-angat sa buhay.
Salamat sa lahat ng mga indibidwal at ahensya na nagkakaisa para mabigyan ng solusyon ang mga pamilyang naapektuhan ng trahedya.
Samantala, habang sumusulong ang layunin na magkaroon ng edukasyon ang lahat ng mamamayan, nariyan ang pagbibigay-diin sa pagsuporta at pagkilala sa mahuhusay at disenteng mga mag-aaral.
Isang halimbawa ng aktibong partisipasyon ng lokal na pamahalaan sa Antipolo sa adhikain na ito ay ang pagbibigay ng scholarship grants sa deserving scholars.
Kamakailan, isang makasaysayang okasyon ang naganap kung saan personal na bumati at dumalo si Mayor Ynares sa pamamahagi ng scholarship grants.
Sa kasalukuyan, kung hindi ako nagkakamali, mayroong 536 scholars ang nakapagsumite ng kanilang requirements sa City Scholarship Office subalit ito’y maliit na parte pa lamang sa kabuuang mahigit 1,000 scholars.
Sa honor students na nagpamalas ng kahusayan sa kanilang akademikong larangan, tumanggap ng P5,000 ang mga cum laude habang P10,000 naman ang mga magna cum laude.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
170