TALO si Emmanuel Pacquiao Jr. o Jimuel sa ikaapat niyang amateur fight sa US kamakalawa ng gabi.
Bago ang laban ginanap sa San Francisco’s Irish Center, hawak ni Jimuel ang 3-0 record. Pero, dinungisan iyon ni Chris Smith.
Ayon sa mga nakasaksi sa laban, tumodo nang palitan ng suntok si Jimuel, subalit mas nanaig si Smith sa bandang dulo.
Matapos ang laban, aminado si Jimuel hindi maiiwasang matalo, sa kabila nang matinding ensayong ginawa niya.
Hindi pa rin siya tiyak kung papasukin ang professional boxing. Mahalaga sa kanya, maka-kuha ng maraming experience as an amateur boxer.
Habang isinusulat ito, wala pa tayong nakuhang reaksyon mula kay former senator Manny Pacquiao hinggil sa pagkatalo ng anak.
Kahit noong una pa lang, ayaw ni Pacquiao at asawang si Jinkee pagboksingin si Jimuel.
Pero sa kapipilit ng anak, nakumbisi ang mag-asawa at pinayagan na nga ito.
Katunayan, pagkatapos ng laban ni Pacquiao noong Agosto 2021 kay Yordenis Ugas, nagpaiwan si Jimuel sa US para mag-training. At nakatatlong sunod na panalo nga ito.
Hindi maiiwasang maikumpara si Jimuel sa kanyang eighth division world champion na ama. Talagang dadaan siya sa butas ng karayom mula sa mapanuring mata ng kritiko.
Mabuti na ring nakatikim ng talo si Jimuel, upang makapag-isip siyang mabuti. Papasukin ba niya ang pro boxing o manatiling amateur?
May mga nagsasabing baka hindi naman talaga niya linya ang boksing.
Kung sadyang hindi siya paaawat at ipagpapatuloy pa rin ang pagboboksing, kinakailangan niyang doblehin ang training. Patunayang karapat-dapat siya sa sports at hindi lang dahil tatay niya si Manny Pacquiao.
HINDI pa rin namamatay ang isyu hinggil sa pagsasagupa nina Manny Pacquiao at Amir Khan, kahit kapwa retirado na.
Kasi naman, sige pa rin sa pagpapainterbyu itong si Khan. At binabalik-balikan ang nagdaang mga taong nagkasama, nagka-isparing sila ni Pacquiao sa Wild Card gym.
At ang paulit-ulit niyang paghahamon kay Pacquiao (at maging kay Floyd Mayweather) para kumita nang malaki.
Bagamat retirado na nga, tila hindi pa rin naiwawaksi sa isipan ni Khan ang mega-fight kay Pacquiao o kay Mayweather.
Pero, teka, sa pinakahuling panayam kay Khan, nag-iba ang tono. Dahil sinasabi niya ngayon, si Pacquiao raw ang naghahamon sa kanya ng laban.
Hmmm…
Ang sabi niya sa iFL TV interview, may offer daw sa kanya mula sa Filipino ring icon.
Sabi ni Khan: “I got a phone call about another one [fight] today. “Well, I didn’t. A friend of mine got a phone call from Freddie Roach to say that, ‘listen, we want to get a fight now that Manny didn’t win the elections, let’s do an exhibition or maybe even a proper fight… They want to do it in the UK, [but] you know all the bulls**t chasing Floyd Mayweather, chasing Manny Pacquiao – it wasn’t meant to be then and maybe it’s not meant to be now. So I’m not going to chase something. I heard it and kind of laughed about it.”
Totoo kaya ito?
Well, dahil nga natalo si Pacquiao sa katatapos na Philippine presidential election, kaya naglutangan na ang bali-balitang magbabalik siya sa boksing. Una na, naubos daw kasi ang pera nito ginamit sa kampanya. Ikalawa, nais daw kasi ng Pambansang Kamao lumabang muli at manalo, then tuluyan nang magreretiro.
Alin sa mga bali-balitang ito ang magaganap?
Sa ngayon, nag-eenjoy si Pacquiao, kasama si Jinkee at apat na mga anak (minus Jimuel na nasa US) habang namamasyal sa Europa.
