UBRA NA KAYA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

TAYONG mga Pinoy daw ay madaling mapasunod sa batas kapag nasa ibang bansa tayo dahil ayaw nating magkaroon ng aberya kaya ingat na ingat tayo at parang de-numero ang ating kilos kapag wala tayo sa ating sariling bayan.

Isa sa pangunahing sinusunod natin kapag nasa ibang bansa tayo, ay batas trapiko, kahit sa mga pedestrian lane at lalo na sa pagmamaneho dahil dayo lang tayo at mahirap magkaroon ng record.

Hindi mo rin mariringgan ang mga Pinoy ng reklamo kapag mahaba ang nilalakad bago makarating sa bus stop o sakayan kaya halos hindi tayo nakakabasa ng report na may kababayan natin na nahuli dahil lumabag sa batas trapiko sa ibang bansa.

Pero pagdating sa ating sariling bayan, hirap na hirap na pasunurin ang mga Pinoy sa batas trapiko, hindi lamang ang mga motorista kundi maging ang mga pedestrian kaya kung ano-anong paraan ang sinusubok para maging maayos ang trapiko sa ating bayan.

Nilagyan ng bike lane ang pangunahing mga lansangan sa Metro Manila para sa kaligtasan ng mga nagbibisikleta pero dumadaan din ang mga pasaway na riders, pedicab, tricycle sa bike lane.

Naglagay din noon ng motorcycle lane sa mga lansangan na ginastusan nang husto ng taxpayers dahil hindi biro ang gastos sa pagpinta ng linya na laan sa riders lamang. Malaki raw ang gastos sa pagpipinta dahil kung per-kilometer ang bayad, malaking halaga ‘yan.

Partikular sa nilagyan ng motorcycle lane ang Commonwealth Ave. sa Quezon City at nang iimplementa ito ay marami agad ang nahuli dahil marami pa ring rider ang lumalabas sa kanilang linya.

Dahil marami ang hindi sumusunod at tila nagsawa ang mga otoridad sa panghuhuli kaya inabandona ang motorcycle lane kaya nagpista ang riders.

Pero ngayon ay muling bubuhayin ang motorcycle lane at pinaluwagan ang lane na inilaan para sa mga rider dahil dumarami sila habang tumatagal kaya siyempre swerte na naman ‘yung nabigyan ng kontrata na pinturahan ang eksklusibong daanan ng mga nagmomotor.

Ang tanong, ubra na kaya ito ngayon dahil bukod sa niluwagan ang lane ay inilagay na sila sa third lane sa tinaguriang killer highway at susunod na kaya ang mga rider na tinaguriang X-men sa kalsada dahil palipat-lipat sila sa linya?

Mapapasunod na ba talaga ang rider kahit walang bantay sa mga lansangan dahil isa sa sakit daw ng mga Pinoy, saka lang susunod sa batas kapag may nagpapatupad pero kapag wala, para silang mga daga na sinasamantala ang pagkawala ng pusa.

‘Yung mga idiot naman na mga motorista na nagbababad sa mga motorcycle lane kahit alam nilang bawal, mapapasunod na rin kaya para magkaroon talaga ng kaayusan sa mga lansangan?

Sana! Dahil kung hindi ay pagsasayang na naman ito ng pondo ng bayan na dapat sana ay gamitin na lang sa ibang bagay na mapakikinabangan ng lahat at hindi lang isang isang sektor lamang at sana ay matuto na rin tayong sumunod sa batas kahit walang bantay.

19

Related posts

Leave a Comment