UMENTO SA SAHOD, BALEWALA!

RAPIDO NI TULFO

KAMAKAILAN ay naaprubahan na ang P40 na umento sa sahod ng mga manggagawa sa bansa.

Pero ang umento na ito ay hindi ramdam ng karaniwang manggagawa dahil sa inflation.

Sa isang minimum wage worker, na sumusweldo ng P12,000 kada buwan, kukunin pa n’ya dito ang pambayad ng upa sa bahay, kuryente, tubig at pagkain sa araw-araw, hindi pa kasama dito ang pangangailangan ng mga estudyante para sa kanilang pag-aaral.

Ayon sa pag-aaral, napupunta lamang ang dagdag na sweldo sa mataas na presyo ng mga bilihin na kailangan ng isang pamilya.

Dahil sa umento, magtataas lang ng presyo ang mga bilihin kung saan kukunin ng mga negosyante ang idinagdag nila sa sweldo ng kanilang mga empleyado, kaya balewala rin ang bahagyang pagtaas ng sweldo.

Sa parte naman ng mga negosyante, malaki ang epekto ng umentong ito sa maliliit na mga negosyanteng maliit lang ang kita pero kailangang sumunod sa itinakdang P40 na dagdag sweldo.

Ito marahil ang dahilan kaya maraming negosyo ang nagsasara na lang dahil hindi kayang tustusan ang gastusin sa operation, kasama na ang sweldo ng kanilang mga tauhan.

Dapat ay pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagkontrol sa inflation. Kung patuloy na tataas ang presyo ng mga bilihin, patuloy lang din malulugmok sa kahirapan ang ating mga kababayang sumasahod ng minimum kada araw.

76

Related posts

Leave a Comment