UN TUMULONG NA LANG

FOR THE FLAG

Kung totohanan ang intensyon ng United Nations at ng Human Rights Council na tumulong sa Pilipinas, ay maaari silang magbigay ng pondo at donasyon sa pagpapatayo ng kahit isang libong rehabilitation  center upang masimulan na ang panggagamot sa daan-daang libong mga sumukong drug addict.

Kapag ginawa ito ng  UN at HRC malamang lalabas at susuko na rin ang milyon pang drug addicts na mahihikayat ng tulong na ito. Hindi makukuha sa puro satsat ang pagtulong sa bansa, nararapat na pondohan nila ang nais nila. Gusto nilang ,masawata ang droga sa Pilipinas nang wala nang pinapatay, e di mag-donate sila ng kahit 1,000 rehab center.

Tunay na mapanganib ang lansangan sa mga adik at tulak, dahil na din sa mga dilaw na sumasakay sa paglilinis ng ating lipunan sa pamamagitan ng pananabotahe sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga.

Kaysa tuligsain ang ginagawa ng administrasyong Duterte upang mailigtas ang bansa sa bingit ng pagiging bansa ng mga zombie, malinaw na mas makakatulong ang UN sa pagbibigay ng mga donasyong nabanggit o kaya ay sila mismo ang magtayo, gamit ang sariling pwersa upang makagawa ng mga pasilidad para sa rehab ng mga kababayang adik sa shabu kaysa mag-party magdamag ang mga UN staff sa mga bansa kung saan sila naka-deploy.

Masyadong nasanay ang mga executive ng UN sa party magdamag gamit ang pondong bilyon-bilyong dolyar kaya marahil nakakalimutan nila na mas may katotohanan na magtayo sila ng mga rehab center sa Pilipinas.

Kung kaya nilang gawin sana isang libong rehab center sa loob ng dalawang taon, mas magiging kapani-paniwala na tunay na may malasakit sila sa mga Pilipino.

Kapag nagawa ito ng UN, tuloy-tuloy na makakausad na ang Pilipinas para  sa tunay na pagbabago at pag-asenso. At maaaring sa susunod, ang Pilipinas naman ang makakatulong sa iba-t ibang bansa na nangangailangan ng ayuda. (FOR THE FLAG / Ed Cordevilla)

135

Related posts

Leave a Comment