Unang gold sa pole vault para sa Pilipinas at Asya, abot-kamay ni EJ Obiena

SA rekord na nakalap ng kolumnis-tang ito, iisang Asyano pa lamang ang nanalo ng medalya sa Olympic Games sa pole vault mula nang ang disiplinang bahagi ng athletics ay napabilang sa kalendaryo ng kada apat na taong palaro simula noong 1896 sa Athens, Greece.

Siya ay ang Hapones na si Shuhei Nishida na kumatawan sa kanyang bansa ng dalawang beses sa 1932 Summer Games sa Los Angeles at 1936 sa Berlin kung saan ay nakapag-uwi siya ng tig-isang silver medal sa men’s division.

Mula nang ang Pilipinas ay nagsimulang lumahok sa Olimpiyada noong 1924, wala pa ni isang Pilipino ang napiling magdala ng ating bandera sa pole vault hanggang noong 2019, nang makuha ni Ernest John Obiena ang karangalan at maging kauna-unahang Pilipinong pumasok sa Tokyo Games.

Si Obiena, EJ sa lokal at internasyonal na kumunidad sa palakasan, ay anak ni dating pole vault king Emerson Obiena at hurdler na si Jeanette, kaya hindi kataka-takang naging atleta rin siya.

At kung pagbabasehan ang kanyang performance sa paghahanda para sa Olimpiyada, mamamalas na si EJ ay may likas na kakayahang maduplika ang kambal na medalyang pilak na napagtagumpayan ni Nishida sa L. A. at Berlin, kung saan ­nakapag-uwi rin ang Filipinong si Miguel White ng medalyang tanso sa 400m hurdles.

Isang linggo pa lamang ang naka­lilipas nang ang 25 taong gulang na si Obiena ay nakatalon ng 5.85 metro para masungkit ang gintong medalya sa Jump and Fly na ginanap sa ­Mossingen, Germany. Ang ­unang Pilipino sa 11 nakakuha ng tiket ­tungong Tokyo sa kasalukuyan ay tinatalo na ang pinakamagagaling na makakaharap niya sa XXXII Games sa ­pangunahing lunsod ng Japan, gaya ng nagtatanggol na Olympic champion at ka-stable Thiago Braz at Renaud Lavillenie.

Ang gold medal ni EJ sa Germany ay pangalawa niya sa indoor competition at pang-apat na pangkalahatan sa taong ito, makaraang makahukay rin ng ginto sa Berlin at Dortmund noong nakaraang Pebrero. Ayon sa kanyang amang si Emerson, may dalawa o tatlo pang outdoor competition na nakatakda niyang lahukan bago magsimula ang Tokyo Games.

“Slowly, but surely, was what EJ told me and his Mom when we talked to him as his approach in his build up,” pahayag ni Emerson sa kolumnistang ito. “Unti-unti ang improvement niya kung mapapansin mo. Coach ­Vitaly (Petrov), I think is addressing his ­preparation program as it should be.”

Dagdag niya: “Ang target nila ay ang score ni EJ hindi ang medalyang mapapanalunan sa bawat meet na sasalihan. That way, madali nilang nakikita ang mga lapses ni EJ at madali rin nilang nako-correct.”

“Got to grind some more before the big day comes,” wika naman ni Jeanette patungkol sa paghahanda sa Olympics ni EJ nang makausap niya bago bumalik sa Formea, Italy kung saan ito naka-base sa nakaraang apat na taon sa kagandahang loob ng ­Philippine Sports Commission at ­Philippine Track and Field Association.

“Focus na focus na si EJ sa ensayo at competition,” pagtatapat ng mag-asawa. “Hindi na nga halos nakakatawag sa amin kaya miss na miss na namin siya, lalo ng mga kapatid niya.”

“Highly motivated si EJ. Tuwang-tuwa nga siya nang malamang 100 taon na ang pagkauhaw natin sa gold medal. Added motivation daw sa kanya yun para lalo siyang magsikap na mabigyan ang Pilipinas ng kauna-unahang Olympic gold medal,” dagdag ni Jeanette.

Ang Estados Unidos ang nagdomina ng pole vault sa Olimpiyada mula noong 1896 hanggang 1968. Sinira ang rekord na ito ni Wolfgang Nordwig ng East Germany noong 1972.

Si Sergey Bubka ng Ukrane, na estudyante rin ni coach Vitaly, ay anim na beses naman nakapag-uwi ng gold medal sa IAAF World Championships mula 1983 hanggang 1997.

49

Related posts

Leave a Comment