Unang Olympic silver medal nakamit ng Pilipinas sa Tokyo

TAONG 1964 unang dumating sa Asya ang ­Olimpiyada. Oktubre 10-24 nang taong iyon idinaos ang ika-15 Olimpiyada sa Tokyo.

Kasama ang Pilipinas sa 93 bansang nagpadala ng kabuuang 5,151 atleta. Animnapu’t apat (64) na atleta, kabilang ang flag bearer na si Winefredo Alipala, ang nagmartsa sa harap ni Emperador Hirohito at lumahok sa 163 event sa 19 sports na pinaglabanan.

Sa Tokyo unang nakilala ang boksingerong Amerikano na si Joe Frazier, na naging ­kampeon sa heavyweight nang maiuwi ang gintong medalya.

Sa Tokyo rin nakamit ng Pilipinas ang kauna-unahang medalyang pilak (silver) kaloob ng boksingerong si Anthony “Boy” Villanueva sa dibisyon ng featherweight.

Apat na sunod na panalo ang agad naitala ni Boy sa mga unang round ng kompetisyon bago nakaharap ang Rusong si Stanislav Stepashkin, na tumalo sa kanya sa gold medal match up na natapos sa kontrobersyal na 3-2 decision.

Si Boy ay alaga ng kanyang amang si Jose “Cely” Villanueva, isa ring mandirigma sa ring na nagbigay sa bansa ng isang medalyang tanso (bronze) noong 1932 Los Angeles, kasama ni swimmer Teofilo Yldefonso at high-jumper ­Simeon Toribio na bronze medalists din sa naturang ­Palaro.

Si Cely ang humubog at naging malaking impluwensiya kay Boy sa pagiging boksingero niya. Matapos ang kanyang amateur career, naging isang mahusay na trainer si Cely ng mga propesyonal na mandirigma, kabilang si Hall of Famer Gabriel “Flash” Elorde na naging pinakamatagal na junior-lightweight champion sa mundo. Sa tulong rin ni Cely kaya naging unang Pinoy silver ­medallist sa Olimpiyada ang kanyang anak na si Anthony.

Naulit ang Olympics silver medal finish ng bansa sa pamamagitan ng isa pang boksingero na si Mansueto “Onyok” Velasco noong 1996 Atlanta, na saktong ika-100 anibersaryo ng kada apat na taong Palaro.

Huling nakapag-uwi ng pilak sa bansa si weightlifter Hidilyn Diaz noong 2016 Rio de Janeiro. Ngayong nakasama siya sa 19 na atletang Pinoy sa nabalam na 2020 Tokyo ay magtatangka siyang muli na maka-gold medal na.

Ganito rin ang inaasam ng boksingerong si ­Eumir Marcial, nanguna sa Pambansang ­Delegasyon nang mag-martsa ang lahat ng bansang kalahok sa harap ni Emperador Naruhito sa opening ceremony noong Biyernes. Target niya na hindi lang silver kundi gold medal ang maiuwi pagbalik sa Pilipinas.

Hindi ito malayong mangyari lalo’t ang 19 ­atletang ipinadala ng Pilipinas sa “Land of the Rising Sun” ayon na rin kina Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino at Philippine Sports Commission chair William “Butch” Ramirez ay isa sa pinakamalakas na grupo simula nang unang sumali ang bansa sa Olimpiyada noong 1924 Paris.

Sa loob ng 96 taon, ang Pilipinas ay nakaipon ng tatlong Olympics silver at pitong bronze medal, ngunit wala pa ring ginto.

May dalawa na sanang ginto ang bansa handog ng bowler na si Arianne Cerdeña sa women’s ­singles event noong 1988 at Willy Wang ng Wushu noong 2008, ngunit nagkataong ­demonstration sports lang ang mga ito noong manalo sila kaya’t hindi kabilang sa official medal count. Ganito rin sa bronze medal finish ni taekwondo jin Stephen Fernandez at gymnast turned taekwondo jin Bea Lucero noong 1992 edition kung kailan na demo sports pa lang ang taekwondo.

46

Related posts

Leave a Comment