DPA ni BERNARD TAGUINOD
MUKHANG walang epekto sa China ang presensya ng United States Armed Forces sa Pilipinas, dahil imbes na magkwidaw ang mga Intsik sa kanilang kilos sa West Philippine Sea (WPS), ay lalo pa silang naging agresibo at mistulang naghahamon ng away para magkasubukan na.
Dahil sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), maraming naka-deploy na US forces sa ating bansa at meron na rin tayong mga military agreement sa iba’t ibang bansa tulad ng Japan.
Pero mukhang wa epek ito sa China at mistulang nanunubok kung hanggang saan ipagtatanggol ng mga dayuhang puwersa ang Pilipinas na inaagawan nila ng karapatan sa WPS, na base sa mga report, maraming deposito ng langis at gaas at mas malaki kumpara sa United Arab Emirates (UAE).
Tulad ng lamang ng inasal ng Air Force ng China sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, kung saan inilagay nila sa alanganin ang Philippine Air Force (PAF) na nagsasagawa ng regular na maritime security operation sa airspace ng Pilipinas.
Fully operation na rin ang Chinese military base sa Zamora Reef na 26 kilometer lang ang layo sa Pag-asa Island, isang munisipalidad ng Palawan, at libong kilometro ang layo mula sa pinakamalapit na probinsya ng China.
Ibig sabihin, kahit may mga naka-deploy na US Forces sa Pilipinas at panay ang joint exercises na ginagawa ang dalawang bansa ay walang epekto sa China. Sasabihin ko sana na iniinsulto ng China ang US pero ayaw kong sabihin.
Kasi kung talagang iniilagan ng lahat ang US dahil sa kanilang military power, hindi sila sinusubukan ng China, kaya sana hindi totoo ang pangamba ng mga militanteng grupo na ginagamit lang ng Amerika ang Pilipinas para idepensa ang Taiwan.
Interes lang nila ang kanilang pinoprotektahan at hindi ang Pilipinas dahil kung talagang protektado nila tayo, hindi nila hahayaan na ipagpatuloy ng China ang kanilang inaasal at tila paghahamon sa WPS.
Pero sige, pagbigyan natin ang US, baka naman may iba silang dahilan kung bakit puro pagkondena lang ang kanilang ginagawa sa inaasal ng China sa WPS pero sana huwag hayaan na tuluyang maagaw nila ang nasabing teritoryo dahil ‘yan na lang ang pag-asa ng susunod na salinlahi ng dugong kayumanggi.
Base sa mga report, kasing dami ng oil deposit ng United Arab Emirates (UAE) ang nakadepositong langis sa WPS at meron pang gas deposit kaya interesado dito ang China, dahil kapag nakontrol at nakuha na nila ‘yan, talo na talaga ang Amerika.
Dapat ang mga Filipino ang makikinabang dyan at hindi ang China dahil ‘yan na lang ang pag-asa para makawala tayo sa mga bansang tinaguriang third world countries, kaya dapat natin itong ipaglaban.
Ang masakit lang na katotohanan, merong mga lider ang bansa na tikom ang bibig pagdating sa isyu ng WPS, na para bang ang laki ng utang na loob nila sa China na hindi man lamang nila mapuna.
43