UTAK SA PAGPATAY KAY PERCY LAPID MALABO NANG MATUKOY

PUNA Ni JOEL AMONGO

HINDI na umaasa ang taumbayan at hanay ng media na matutukoy pa ang utak sa pagpatay sa beteranong ­broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid, matapos lumabas ang balitang namatay na ang tinaguriang ­”middleman” sa nasabing krimen.

Umani ng samu’t saring reaksyon ang pagkamatay ni Crisanto Palana Villamor, Jr., o Idoy, ang sinasabing nag-utos kay Joel Escorial na patayin si Percy Lapid.

Nauna rito, sinabi ni Escorial na isang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) ang nag-utos sa kanya para patayin si Lapid at ‘yan ay si Villamor.

Matatandaang binaril ng riding-in-tandem si Percy Lapid noong Oktubre 3, 2022 habang papasok sa isang subdibisyon kung saan siya nagba-vlog sa kanyang programang “Lapid Fire”.

Tinamaan ng dalawang bala ng baril sa ulo si Percy Lapid na agad niyang ikinamatay.

Matapos ang pamamaril ay naglaan ng pabuyang P500K, P1M hanggang sa umabot ng P6.5M para sa sinomang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Escorial.

Noong Oktubre 18, 2022 ay sumuko sa mga awtoridad si Escorial na iprinisinta ni Department of Interior and Local ­Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa media sa Camp Crame, Quezon City.

Sa nasabing press conference ay inamin ni Escorial na isang nakakulong sa NBP ang nag-utos sa kanya na patayin si Percy Lapid.

Makalipas ng ilang oras makaraan ang pagsuko ni Escorial sa mga awtoridad, ay namatay naman ang sinasabing “middleman” na si Villamor.

Ang ikinamatay raw ni Villamor ay nahirapan huminga kung kaya’t dinala sa NBP Hospital na kung saan siya nalagutan ng hininga.

Nalagutan siya ng hininga habang malaya namang nakahihinga ngayon ang utak o mastermind ng pagpatay kay Percy Lapid. Buwisit!

Nagkataon lang ba o sinadya? ‘Yang ang katanungan ­ngayon ng taumbayan at hanay ng media, kay BuCor Chief ­Gerald Bantag.

Si Bantag ay itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa BuCor, ang kontrobersyal na dating naging jail warden ng Parañaque City Jail.

Si Bantag ay sinibak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang hepe ng BuCor dahil sa isa na namang kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga preso sa kanyang nasasakupan.

Si dating Armed Forces of the Philippines chief of staff Gregorio Catapang, Jr., naman ang ipinalit kay Bantag bilang BuCor officer-in-charge, ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla.

Ang galing, kaya lang ang problema hindi kumbinsido ang taumbayan at hanay ng media na walang “foulplay” na nangyari sa pagkamatay ni Villamor.

Pakiramdam nila ay pinaiikot lang sila ng mga bayarang tao ng utak sa pagpatay kay Percy Lapid.

Tsek! Tsek! Tsek! Bahala na si Lord sa inyo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

17

Related posts

Leave a Comment