VCD NG BI, BUWAGIN!

BISTADOR Ni RUDY SIM

NANAWAGAN at sinuportahan ng mas maraming kawani ng Bureau of Immigration (BI) na dapat nang buwagin ang isang ­sanga ng kanilang tahanan na siyang pinagmumulan umano ng korapsyon at harassment sa travel agencies at sa mga ­dayuhan na pakiramdam nila ay walang katapusan ang kanilang ­pag-aalala na sila’y harap-harapang ­hinoholdap at inaalisan ng karapatan sa kabila nang legal na nilang ­paninirahan sa bansa

Ang Verification and Compliance Division ng BI ay ­napag-alaman natin na wala ito sa best practices ng ibang bansa at wala rin sa batas na kailangan pang bulatlatin ang bawat dokumento ng mga ­dayuhang aprubado na ang kanilang visa ng iba’t ibang ­departamento ng ahensya.

Dumaan ito sa Legal department na sinuri at masusing ­pinag-aralan ng mga abogado. Aprubado ng Board of ­Commissioners o Commissioner, implemented ng executive office at binigyan na ng kaukulang dokumento ng alien registration department kaya’t ano pa ang silbi ng VCD, mas mataas pa ba kayo sa Commissioner?

Tila malinaw na isa itong panggigipit sa mga dayuhan kagaya na lamang ng ating natanggap na sumbong na tinatakot ng ilang kawani ng BI-VCD ang travel agents na humawak ng mga dokumento at sila umano ay pinagbabantaan na ipakakansela ang visa ng ­dayuhan kung may makitang kahina-hinalang dokumento kaya’t sila’y ­napipilitan na lamang umano na magbigay kahit halos wala nang kinita ang kanilang kompanya.

Bakit hindi nila ito gawin bago aprubahan ang visa ng isang dayuhan kung mayroon man kayong nakitang falsified documents na nakalusot? Mayroon na ba kayong nirekomendang opisyales ng BI para ito’y makasuhan? Ang hakbang na ito ng VCD ang siyang lalong nagbibigay ng negatibong reputasyon na hindi na mawawala ang katiwalian sa ahensya.

Hindi naman natin nilalahat ngunit ano kaya ang naging ­aksyon at rekomendasyon ng kanilang hepe na si Atty. Siton? Madam, ­marami akong naririnig na patas kayo pero hindi ba dapat ay balasahin mo ang lahat ng iyong mga tauhan para maiwasan ito? Dahil kung tila bulag, pipi at bingi ka ay iisipin ng marami na ikaw ay nakikinabang, hindi po ba?

Matatandaang isang grupo ‘di umano ng mga kawani sa VCD na tinawag nilang “K-POPpangit” kabilang pa ang isa umanong lalaki, ang talamak umanong nangongotong sa lehitimong travel agencies na patagong nagkakaroon ng abutan sa labas ng kanilang ­tanggapan.

Mula P5k hanggang P20k ay nalalagasan ang travel agencies sa bawat pangongotong sa kanila na halos wala na silang kinita dahil na rin sa pagbagsak ng turismo sa bansa mula noong magsimula ang pandemya.

Para sa mga kawani ng BI na lumalaban nang patas, saludo sa inyo ang sambayanan at sa mga walang takot sa pamahalaan naman ay tamaan sana kayo ng kidlat.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

138

Related posts

Leave a Comment