TARGET NI KA REX CAYANONG
Laging mahigpit ang iskedyul ni Vice President Sara Duterte. Ngunit hangga’t maaari, dadaluhan niya talaga ang mga aktibidad na imbitado siya.
Bukod sa kasama ito sa kanyang trabaho, ayaw niyang may magtampo ni isa sa mga ito.
Kamakailan nga, nagpaabot ng tulong ang Office of the Vice President (OVP) sa pamamagitan ng Disaster Operations Center (OVP-DOC) sa 963 na pamilya na mga biktima ng sunog sa Barangay 21-C at Barangay 22-C, Piapi, Davao City.
Nagsagawa rin ito ng regular na feeding program sa apektadong mga residente, namahagi nga ito ng almusal, tanghalian, at hapunan sa loob ng isang linggo.
“Nagpapasalamat tayo sa Philippines National Police, Task Force Davao, at iba pang volunteers sa agarang pagresponde para sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong,” wika ni VP Sara. Sinaksihan din ni VP Sara kamakailan ang Kadsagayan Street Dance Competition na bahagi ng selebrasyon ng Kalilangan Festival sa General Santos City.
“Bilang tagapagsalita sa pagtatapos ng kanilang selebrasyon, kinilala natin ang angking galing ng GenSan sa pagpapaunlad ng kanilang syudad at ang kanilang katatagan sa kabila ng mga hamon katulad ng terorismo,” sabi ng pangalawang pangulo.
“Malayo na ang narating ng General Santos City. At bilang Mindanawon, kaming lahat ay nakikiisa sa tagumpay ng kapwa Mindanawon. General Santos has always been one of the cities in Mindanao that many of us Mindanawons are proud of,” dagdag pa niya.
Bukod pa rito, naging panauhin din siya sa Student Leaders’ Assembly ng Sultan Kudarat State University sa Tacurong City. Sa nasabing aktibidad, doon ay hinimok ni VP Sara ang mga estudyante na “maging kabahagi ng pagbuo ng matatag na bansa upang umunlad pa ang ating mga komunidad at labanan ang terorismo.”
Malaki aniya ang tiwala niya sa mga kabataan na maging katuwang sa pagpapalakas ng edukasyon. “I have never lost faith in the power of the Filipino youth. As the Secretary of the Department of Education, I hold on to this promise as we work hard to institutionalize a peace and boldly introduce reforms in our basic education curriculum,” pahayag pa ni VP Sara.
Binisita rin ni VP Sara ang Pikit Central Elementary School at Pikit National High School upang personal na kumustahin ang mga mag-aaral at mga guro.
Dahil sa maayos na pamamalakad niya sa Department of Education (DepEd) at bilang VP ng bansa, nakakuha siya ng “excellent” satisfaction rating sa survey na isinagawa ng Social Weather Systems (SWS) noong Disyembre.
Ang non-commissioned survey mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022 ay nagpakita na kuntento ang 83% ng respondents sa ipinapakitang performance ng bise-presidente, kung saan nilahukan ito ng 1,200 adult respondents sa face-to-face interview na may tig-300 partisipante sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.
Mabuhay po kayo at God bless!
