WAGE HIKE NAMAN

PATULOY na mangangalampag ang mga grupo ng mga manggagawa habang hindi natutugunan ng gobyerno ang kanilang hinihirit na dagdag-sahod.

Humihingi ang mga manggagawa ng minimum wage hike na P530 sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Maiipit ang gobyerno sa pagitan ng mga manggagawa at employer at kapitalista.

Balanseng pagtimbang sa rason at posisyon ng magkabilang panig ang dapat pairalin ng gobyerno sa pagresolba sa usapin na maaaring humantong sa pansamantalang pagkaparalisa o tigil-trabaho sa hanay ng mga manggagawa o ang bantang pagsasara at pagbabawas ng empleyado ng mga namumuhunan.

Hindi isinasantabi ng grupo ng mga manggagawa ang posibilidad na manawagan din sila ng nationwide strike kung hindi tutugon ang gobyerno sa hirit nilang taas-sweldo.

Ayon kay Duds Gerodias, co-convenor ng Unity for Wage Increase Now (UWIN), dapat na kilalanin ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga manggagawa na magkaroon ng family living wage, at pwede ring umabot sa punto na magkaroon o manawagan din ang buong kilusang manggagawa ng nationwide strike.

Kung inisyal na nagtagumpay ang mga drayber laban sa jeepney phase-out dahil sa tigil-pasada, makamit din kaya ng mga manggagawa ang hinihinging dagdag dahil sa welga?

Ang umiiral na minimum wage sa Metro Manila ay P570, na pag nadagdagan ng P530 ay may suma total na P1,100 na malapit sa P1,161 family living wage para sa pamilyang lima ang miyembro.

Ngunit tutol ang Employers Confederation of the Philippines sa malaking umento sa sahod. Posibleng magtaas ng singil o mapilitang magtanggal ng manggagawa ang mga MSME na bumubuo sa 98% ng mga negosyo.

May paraan para kayaning ibigay ang hiling ng mga manggagawa, at iwas-lugi ang mga negosyo.

Ayon sa Gabriela Women’s Party, magpatupad ng isang wage subsidy program na pangungunahan ng gobyerno upang makasunod ang MSEs sa pagpapasahod nang tama na alinsunod sa iminumungkahi nilang taas-sweldo.

May kalabuan din ito, ngunit sakripisyo ng mga may kapangyarihan at ng malalaking korporasyon at negosyo ang kailangan para masagip ang mga minimum wage earner sa perwisyo ng tumataas pang presyo ng bilihin.

Ang hinihiling ng mga manggagawa ay family living wage. Bumibilis na raw ang paglago ng ekonomiya kaya makatwiran na makatanggap ang mga manggagawa ng bahagi ng bunga ng araw-araw nilang pagkayod.

Marami nang kompanya ang nakabangon. Gusto rin ng mga manggagawa na makaahon. Hindi ba’t iyan ang pangako ng administrasyong ito? Na sama-samang babangon muli.

173

Related posts

Leave a Comment