WALA NANG BUDGET ANG BAKUNA LABAN SA COVID

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TUMATAAS ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, ngunit wala palang inilaan na budget sa bakuna para sa susunod na taon.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, 74 milyong Pilipino na ang bakunado sa COVID-19 primary doses at boosters, at nasa 5 million Filipinos infected sa pamamagitan ng natural immunity kaya mataas ang bilang ng mga immune na laban sa COVID-19.

May pagbabago raw ang DOH sa paraan sa pagtrato sa sakit at ang solusyon dito ay bantayan at pangalagaan ang sarili.

Magkakaiba ang kondisyon ng mga tao at nagbabago ang virus kaya hindi ito dapat balewalain. Tungkulin ng gobyerno na pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan nito pero sa publiko nito ipinapasa ang responsibilidad.

Para na ring sinabi na bahala na ang publiko sa pagharap sa banta ng virus.

Wala raw dapat ikabahala ang publiko dahil sa tumataas na kaso ng infection. Kung napuno man ang mga kama para sa pasyente, ito ay bunsod ng pagbawas ng bilang ng kama na inilipat para gamitin ng mga pasyenteng iba ang sakit.

Rason ba ‘yan para maging kampante ang mamamayan at gawin na lang ang mga simpleng paraan para protektahan ang kanilang mga sarili sa COVID?

Ang higit na ikinababahala ng publiko ay ang tila wala nang gagawin ang gobyerno para protektahan ang mamamayan mula sa COVID-19.

Kaya hindi na kailangan ang bakuna?

Bahala na ang mamamayan. Wala nang pakialam ang pamahalaan kaya patibayan na lang.

Kung walang inilaang pondo para sa bakuna ay aasa na lang ang bansa sa donasyon sakaling sumipa na nang husto ang mga kaso ng sakit?

Bahala na si Batman.

o0o

POSITIBO PA RIN SI JUAN

KARAMIHAN sa mga adult na Pinoy ay naniniwalang gaganda ang kalidad ng buhay sa susunod na taon.

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 48% ng mga Pinoy ang nakararamdam na uunlad ang buhay sa susunod na 12 buwan.

Mga optimist ang tawag sa mga ito.

‘Di nga. Maganda ba talaga ang pananaw nila sa buhay o inaasam lamang nila ang magagandang mangyayari.

Ayan, kakapit uli sa SANA na nakasanayan nang pakonswelo sa gustong makamtan.

Mas akma atang sabihin na ang paniniwala ng karamihan na bubuti ang kanilang buhay ay isang wishful thinking o ugali o pananalig na mangyayari ang gusto mong mangyari kahit malayo ito sa posibilidad.

‘Di bale, basta mapawi rin ng inaasam ang kasalukuyang kalagayan.

‘Yan ang tipikal na buhay.

Sa survey mula sa Setyembre 28 hanggang Oktubre 1, umabot sa 40 bahagdan ang nagpahayag na walang pagbabago sa buhay sa darating na 12 buwan, habang 6 porsiyento ang nagsabing lalala ang kalidad ng buhay.

Kung sa palagay na gobyerno ay pasado sa paniniwala nito ang sinasabi sa mga survey ay dapat gawin nitong gabay ang mga numero para makagawa ng plano, hakbang at programa kung paano mababaliktad ang tunay na sitwasyon ng mamamayan.

90

Related posts

Leave a Comment