MUKHANG nawala na ang takot ng mga tao sa COVID-19 dahil hindi na pinapansin ang virus na ito na nagpahirap sa kanila sa loob ng dalawang taon at ramdam pa ang epekto nito sa ekonomiya.
Hindi ko alam kung nagsawa na ang mga tao at tinanggap na lamang na kasama na sa buhay ang COVID-19 na nagsimula sa Wuhan, China na kumitil ng milyong-milyong buhay sa buong mundo, nagpabaon sa utang sa mga mahihirap na bansa kasama na ang Pilipinas at siyempre pinagkakitaan ng mga tiwali at mapagsamantala.
Kung mapapansin sa mga komunidad ay halos wala nang nagsusuot ng face mask at kabi-kabila na ang pagtitipon ng mga pami-pamilya na tila nasabik matapos ang dalawang taong hindi pagkikita.
Kung dito sa Metro Manila ay wala nang nagsusuot ng face mask paano na lang sa mga probinsya? Siguradong wala nang nagsusuot ng proteksyon laban sa virus na ito dahil dagdag na gastos lang ito lalo na’t wala namang regular na income ang karamihan.
Noong kasagsagan ng COVID-19 maraming mga tao sa probinsya ang hindi nagsusuot ng face mask at face shield maliban lamang sa palengke dahil may nagbabantay na mga pulis na nanghuhuli.
Pero pagdating sa kanilang barangay, wala nang suot na face mask at itatago ‘yun imbes na itapon para kapag namalengke ulit sila ay meron silang gagamitin at hindi na bibili na naman.
Hindi naman malalaman ng mga pulis kung luma ang face mask na suot ng mga tao at hindi nakararating ang payo ng Department of Health (DOH) na isang beses lamang dapat gamitin dahil may virus na ang gamit na face mask.
Ngayon, marami na ring pumupunta sa palengke ang hindi na nagsusuot ng face mask dahil pakonti na nang pakonti ang kaso ng COVID-19 sa bansa ngayon at naka-alert level 1 na tayo.
Hindi na rin naninita at nanghuhuli ang mga pulis at tanging sa mga hospital lamang ang nagpapatupad nang mahigpit na health protocols na kailangang magsuot ng face mask at face shield sa loob ng establisimyento.
Nire-require din ng mga hospital ang mga kaanak ng mga pasyente nila na kailangang dumaan sa 2 araw na quarantine at swab test bago nila mapalitan ang nagbabantay sa may sakit sa loob nito.
Pero sa labas, balik na sa old normal ang mga tao dahil wala nang pumapansin sa DOH na patuloy na nagbababala na hindi pa tapos ang pandemya at meron pa ring nagkakaroon ng COVID-19 at namamatay.
Katuwiran ng mga tao, anong silbi ng kanilang bakuna kung hindi pa sila puwedeng bumalik sa old normal? May katuwiran naman sila pero dapat patuloy na ipaalala ng gobyerno sa mga tao na hindi pa tuluyang nawawala ang virus.
Sa katunayan, pinepeste ng Omicron variant ngayon ang maraming lugar sa China. Isa sila sa iilang bansa sa mundo ang nakapagtala ng maraming kaso araw-araw kaya dapat pa ring mag-ingat.
186