WALANG BABALIKANG GINHAWA

HINDI madali ang buhay ng mga manggagawang Pinoy na nakikipagsapalaran sa ibang bansa tulad ng Taiwan.

Higit pa sa hirap at pangungulila, nasa balag pa ng peligro ang overseas Filipino workers sa naturang bansa, bunsod ng nakaambang opensiba ng China sa Taiwan.

Gayunpaman, tila walang OFW na nakabase sa Taiwan ang gustong bumalik sa Pilipinas sa kabila pa ng namumuong tensyon sa banyagang lugar na kanilang pinagtatrabahuan – sa kabila pa ng ibinibidang contingency measures ng Department of Foreign Affairs.

“As far as the Filipinos are concerned, we haven’t heard of anyone wishing to go home,” ani Foreign Affairs Undersecretary Eduardo dela Vega sa isang pulong balitaan, matapos atasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Foreign Affairs (DFA) na tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW sa Taiwan.

Ang totoo, isa sa pangunahing agam-agam ng mga OFW ang kinabukasan ng kani-kanilang pamilya kung sila’y babalik sa Pilipinas.

Dangan naman kasi, wala namang naghihintay na trabaho para sa kanila kung sila’y uuwi bilang pag-iwas sa peligro ng digmaan sa pagitan ng China at Taiwan.

Paano na ang pangarap nilang magkaroon ng sariling bahay na masisilungan, ulanin man o arawin? Paano na ang pag-aaral ng kanilang mga anak? Paano nila babayaran ang mga inutangan para makapagtrabaho sa ibang bansa?

Ilan lang ‘yan sa mga tanong ng mga OFW.

Ang masaklap, wala rin naman komprehensibong programa ang gobyerno para sa kanilang kabuhayan.

 

124

Related posts

Leave a Comment