WALANG BASTUSAN NG RELIHIYON

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAHIT ako na isang sagradong Katoliko ay nasaktan at nabastusan sa pambabastos ni Pura Luka Verga, hindi lamang sa imahe ng Mahal na Nazareno kundi sa ‘Ama Namin’ na itinuro mismo ni Hesus Kristo sa kanyang mga disipulo kung papaano magdasal sa Amang nasa langit.

Kung hindi lang masamang magmura dito dahil hindi katanggap-tanggap sa mga tulad kong Katoliko ang kanyang kabastusan, ay isusulat ko sana ang mga katagang “Putang Ina Mo” dahil nainsulto ako sa ginawa ng self-confess queer na ito pero ayaw kong sabihin dahil masama ang magmura.

Lalong nakaiinsulto ang kanyang depensa na hindi raw niya ginawa ang drag show na ‘yun para sa mga Katoliko. Hindi nito naisip na ang Pilipinas ay Catholic country at para lang magpasikat ay ginamit pang materyal ang Poong Nazareno sa kanyang drag show.

Hindi ka man lang kinilabutan sa pinaggagawa mo dahil maging sa isang video mo ay binabastos mo ang Ostia na para sa mga Katoliko ay simbolo ng katawan ni Hesus Kristo. Talagang ginagago mo ang relihiyon namin eh.

Nakakagigil din ang unang pahayag niya na “was it offensive because I am queer individual”. Kahit hindi ka miyembro ng LGBTQ+ community ay makatitikim ka ng galit ng mga Katoliko dahil binabastos mo ang kanilang relihiyon at sinasambahang Dios.

At hindi porke miyembro ka ng komunidad na iyan ay hindi ka na puwedeng punahin at kastiguhin. Hindi ka espesyal na kahit anong gawin mo dahil isang kang queer, ay palalagpasin na ang ginagawa ng mga tulad mo. Hindi absolute ang kaparatan ng lahat ng sektor ng lipunan, may hangganan ang lahat.

Sa ginawang ito ng Luka na ito, nadamay ang buong LBGTQ+ community kaya posibleng maraming mambabatas na ang magdadalawang-isip na ipasa nang tuluyan ang SOGIE bill na magbibigay ng karagdagang proteksyon at pagkilala sa third sex individuals sa bansa.

Ngayon pa lamang ay inaabuso na ng Pura na ito ang kanilang karapatan, papaano na lamang kung maipasa ang panukalang ito? Papaano niya makukumbinsi ang mga straight na igalang siya eh siya mismo ang hindi marunong igalang ang damdamin ng mga Katoliko?

Dekada na ang binilang para ipaglaban ang karapatan ng Third Sex Sector pero hirap na hirap itong maipasa dahil ang katuwiran ng ilang mambabatas hindi pwedeng gumawa ng batas ang Kongreso na para lang sa isang sektor kundi dapat lahat ng mamamayan ay makinabang.

Wala akong problema sa LGBTQ+ individuals dahil karapatan ng sinoman na magdesisyon kung anong bagay ang gusto nilang gawin sa kanilang sarili at marami naman talaga sa kanila ang nakatutulong sa paghubog ng lipunan pero nasisira sila sa isang tulad ng Pura na ito.

Wala siyang ipinagkaiba sa ilang tiwaling miyembro ng Philippine National Police (PNP) na parang anay na sumisira sa organisasyon kaya nawawalan ng respeto ang mga tao sa mga pulis.

Ngayon sikat na ang luka-lukang ito, may plano na rin ba siyang pumasok sa pulitika? Baka tumakbo na ‘yan sa Senado sa susunod na eleksyon. Dati kasi may isang beshie na sumikat dahil naka-live ang pagbabawal sa kanya na gamitin ang comfort room ng mga babae sa isang mall at nang tanungin kung may political ambition, inamin niya na meron. Ayun, nalaos agad!

Pero pakiusap ha, huwag na huwag n’yong bastusin ang relihiyon namin o kahit anong relihiyon. Huwag na huwag n’yong gamitin ‘yan para sumikat kayo. Matakot kayo sa Karma.

273

Related posts

Leave a Comment