TUMATAGINTING na P1 milyon ba ang sukatan at halaga ng pagkilala sa serbisyo ng matatanda sa bansa, at ito ba ay angkop na pagkilala ng pamahalaan sa disiplina na kaakibat upang magkaroon ng mahaba, malusog, at makabuluhang buhay ang mga aabot sa edad na 101?
Sa botong 257, inaprubahan na ng Kamara ang panukalang batas o House Bill No. 7535, na magkakaloob ng P1 million cash gifts sa mga Pilipino na nakaabot ng 101 taong gulang.
Layunin umano nito na amyendahan ang Centenarians Act of 2016 na nagbibigay lamang ng P100,000 cash gift sa mga Pilipinong umabot ng 100 years old.
Sa ilalim ng panukalang batas ay layong bigyan pa rin ng P100,000 cash gift ang bawat Pinoy na aabot sa edad na 100, gayundin ang pagbibigay ng P25,000 cash gift sa mga aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95.
Sakaling maging batas, mandato ng panukalang batas na ipatupad ng National Commission of Senior Citizens ang hakbang.
Kukunin naman daw ang pondo sa annual General Appropriations Act.
Hindi maituturing na instant milyonaryo ang aabot sa 101 na edad dahil bago malagpasan ang isang siglo ay dumaan ang indibidwal sa pagsubok, hirap, sama ng loob, takot sa katayuan, inseguridad at iba pang hamon sa pagtanda.
Hindi nga epektibong naipatutupad ang P100k centenarian cash grant, paano na kung milyong piso ang pabuya? Naging walang laman na pangako na ilan lang ang nakapalo.
Malaking tulong sana ang P1 milyon sa pamilya ng matanda, pero ang pagpapalakas ng kanilang morale ay dapat naramdaman na noong hinihila na sila sa pagtanda.
Sa tala mula sa Department of Social Welfare and Development, may 662 centenarian na Pinoy sa bansa. Ang life expectancy ng Pinoy ay 72 taong gulang kaya mahirap gumapang patungong 101. Anong mangyayari sakaling mapondohan ang programa? Tatanda rin sa kaban ng bayan o ng iilan?
Hindi dapat hintayin ng matanda ang 101 para aliwin ang buhay.
Para sa kapakanan ng nakararaming senior citizen: social security, libreng gamot at pagpapagamot ang kailangan, hindi ang 1 milyon kung kailan sila ay isa nang hukluban.
Hindi nga maayos ang pension at health benefits ng mga gurang ay heto pa ang 101 na pagdidiskusyonan.
At sa pamayanang iniismol at sinisimangutan ang mga gurang dahil sa pagsandal sa mga kamag-anak at umaasa sa katiting na ayuda ng pamahalaan, paano nila maaabot ang edad 101?
Tunay at walang patlang na pagkilala, suporta at kalinga ang dapat ipadama sa kanila.
Sa kanila ang tutok ng atensyon, hindi sa mga mambabatas na ang intensyon ay mapansin.
