WALANG PAG-ASA

TALAGANG walang pag-asang makamit natin ang seguridad sa pagkain o food security dahil kulang na kulang talaga ang suporta ng national government sa mga magsasaka sa ating bansa.

Sa maraming bayan sa Cagayan Valley, walang tubig ang irrigation kaya hindi agad nakapagtatanim ang mga magsasaka pagkatapos mag-ani habang ‘yung iba naman na kailangan ang tubig ay napipilitan gumastos ng krudo para matubigan lang ang kanilang pananim.

Totoong wala nang binabayaran ang mga magsasaka sa National Irrigation Administration (NIA) dahil libre na ang irrigation fee na isa sa mga ipinagmamalaki ng mga kandidato sa national level lalo na ng mga senador.

Pero kahit libre kung wala namang dumadaloy na tubig sa irrigation wala ring silbi ang Free Irrigation Act at mas lumalaki pa nga ang gastos ng mga magsasaka dahil sa krudo para matubigan lang ang kanilang mga pananim at hindi masayang.

Ang nangyayari, naghihintay lang ang mga magsasaka kung kailan tubigan ng NIA ang kanilang irrigation bago sila magtanim kaya maraming oras ang nasasayang sa kahihintay nila.

Papaano tayo magkakaroon ng tuloy-tuloy na supply ng bigas kung pinaghihintay ang mga magsasaka ng tubig sa irrigation? Talagang imposible ang food security na laging ipinagwawagwagan ng mga mambabatas sa Kongreso.

Sa ibang bansa, lalo na sa Vietnam at Thailand, walang patid ang daloy ng tubig sa kanilang irrigation kaya tuloy-tuloy sa pagtatanim ang kanilang magsasaka at dahil diyan, nag-e-export sila ng bigas.

Kapag nag-aanihan naman, napipilitan ang mga magsasaka, lalo na ‘yung ­maliit lang ang sinasaka na ibenta nang mas mura ang kanilang ani dahil walang maayos na lugar para ibilad ang kanilang palay o mais.

Wala kasing drying facilities kaya punong-puno ng nakabilad na mais at palay ang mga kalsada, hindi lamang ang mga national highway kundi sa mga barangay na sementado ang mga daan.
‘Pag ganitong anihan, dobleng ingat ang mga motorista sa pagmamaneho dahil sa mga nakabilad na mais at palay sa mga highway dahil sinakop nila ang isa sa dalawang lane.

For the record ha, ang mga nagbibilad ng maramihan sa mga highway ay mga middleman habang ‘yung tunay na magsasaka naman ang naglalatag ng kanilang ani sa maliliit na mga kalsada sa loob ng mga barangay.

Ganyan ang kalagayan ng mga magsasaka dahil wala talagang tulong ang national government. Kung tutulong man, isang beses lang magbigay ng binhi na limitado pa kaya bahala ka na sa ibang gastusin tulad ng abono na patuloy rin ang pagtaas ng presyo.

Ngayon, papaano natin makakamit ang food security kung abang-aba ang kalagayan ng mga magsasaka. Ang maligaya lang ang mga middleman dahil sila ang tunay na kumikita sa pawis ng mga kababayan at siyempre yung rice importers at smugglers dahil walang kasiguraduhan ang supply ng pagkain ng Pinoy.

237

Related posts

Leave a Comment