BALYADOR ni RONALD BULA
MAY mga establisimyento sa lungsod ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na parang walang kinatatakutan na kahit may “closure order” na ay patuloy pa rin na nag-ooperate ng negosyong kalaswaan.
Noong Enero 30, sinalakay ng Parañaque City Police Intelligence Division na pinamumunuan ni P/Maj Tirso T. Pascual, ang ilang KTV bars sa panulukan ng Airport Road, sa Parañaque City.
Batay sa source, ni-raid ng Parañaque City Police ang mga night club alinsunod sa direktiba ni P/Col. Renato Batoon Ocampo, chief of police ng Parañaque City upang iligtas ang mga dalaginding na nagtatrabaho bilang mga GRO at dancers.
Bakit nga ba nae-engganyo ang mga kostumer na magpabalik-balik sa mga Disco KTV bar?
Bukod kasi sa tumatanggap sila ng mga dalaginding na dancers at GROs ay kilala ang naturang lugar (Airport Road) na pugad umano ng prostitusyon dahil sa may mga babaeng sumasayaw nang hubo’t hubad.
May mga babae rin silang game sa ‘sex’ sa loob ng VIP rooms na puwedeng i-bar fine at bayaran para sa tinatawag na panandaliang aliw.
Sa kabila ng pangre-raid ng Parañaque City Police, bakit patuloy pa rin ang mga bahay-aliwan sa pag-o-operate at pag-aalok ng ‘kasiyahan’ sa kanilang mga parokyano?
Kaya agad na kumilos si Atty. Melanie Malaya, head ng Business Permits and License Office (BPLO), at inatasan ang kanyang inspection team na mag-imbestiga sa nabanggit na lugar.
On the spot ay ipinasara ni Atty. Malaya ang mga bahay-aliwan na ARCHO 1 & 2, ALICE ANGELS at JERO matapos walang maipakitang business permits ang may-ari nito para mag-operate ang nasabing KTV bars.
Ayon kay Malaya, hindi maaaring mag-operate ang isang negosyo kung walang kaukulang permits mula sa City Government.
Nakitaan rin ng paglabag sa mga ordinansa ng lungsod ng Parañaque ang iba pang KTV bar katulad ng kawalan ng working permits ng mga nagtatrabaho ritong Guest Relations Officers (GRO) at dancers.
“Matagal nang ordinansa ng lungsod ng Parañaque ‘yang working permits na ‘yan, hindi pwedeng magtrabaho ang isang babae sa KTV bars kung wala silang hawak at maipakitang ‘health card’,” pahayag ng inspection team ng BPLO.
Ang nasabing health card ay naglalaman ng impormasyon ng isang nagtatrabahong GRO, at latest record ng kanyang test patungkol sa pap smear, at iba pang sexually transmitted diseases (STD).
Pinayuhan naman ng inspection team ng BPLO ang mga babae na tumungo sa Parañaque City Health Center para makakuha ng Health Card.
Nangako rin ang ilang may-ari ng KTV bars na sila ay kukuha ng karampatang mga papeles para payagan muling makapag-operate.
Speaking of kalaswaan, ayon pa sa source, hindi raw nagpapahuli ang mga bahay-aliwan na DYNASTY, APOLLO, THE BAY ENTERTAINMENT KTV, STUDIO 2, WHITE BIRD, BOOM BAR KTV at 798 KTV na matatagpuan sa panulukan ng Quirino Avenue at Roxas Blvd sa Pasay at Parañaque.
Subaybayan natin!
Suhestyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
