WALANG SAYSAY NA SATSAT NG P4P

BISTADOR ni RUDY SIM

LITONG-LITO na rin yata itong mga consumer group lalo na itong Power for People Coalition o P4P. Dapat ata Power for Pundido na itawag dito.

Nagrereklamo sila dahil daw sa mas mataas na singil sa kuryente habang kinokontra ang proseso para nga mapababa ito. Anyare sa inyo P4P? Para atang tuluyan nang napundi ang isip niyo.

Mapakakamot ka na lang talaga sa ulo dahil wala naman malinaw na basehan talaga ang pinagsasasabi ng grupong ito.

Mahilig lang talagang mag-ingay na akala mo para talaga sa konsyumer ang kanilang ipinaglalaban, pero kung susuriin alam naman natin na may ibang interes naman na pinanggagalingan.

Nandiyan na tayo na dapat talaga bantayan ang malalaking mga kumpanya at aktibong makibahagi sa mga usaping may kinalaman sa kapakanan ng publiko, pero nakapagtataka talaga na pati ang mas mababang presyo ng kuryente, kinukwestyon nila!

Binanatan ba naman ang bidding na ginawa ng Meralco dahil daw mas nagresulta ito sa mas mahal na singil sa kuryente.

Pero ang nakatatawa d’yan, mismong mga balitang nagkarga nitong alegasyon ng P4P, ang naglahad na rin ng totoong datos tungkol sa mga binabanatan nilang kumpanya. Paano ba naman, mas mahal daw ang singil. Pero ang lumabas sa bidding ng Meralco na napabalita na sa publiko na pinakamababang alok para sa pagsusuplay ng kuryente, ang kukunin.

Halimbawa, ‘yung kontratang napanalunan ng South Premiere Power Corporation ay nasa P7.07/kWh kaya nga natalo nito ang dalawa pang kumpanya at ang isa roon, ang First Natgas, nag-alok ng P8.45/kWh! Aba eh, sobrang laki ng diperensya n’yan kung ‘yan man ang mananalo!

‘Yun namang isa pang kinukwestyon na bidding – tatlong kumpanya ang nanalo, dalawa naman ang natalo. Kaya ‘di ko maintindihan, sino ba ang gustong manalo ng P4P? ‘Yung pinakamahal? O ‘yung mga hindi man lang sumali sa bidding?

O baka naman ang gusto ng P4P, wala na talagang magsuplay sa Meralco para roon na lang ito kumuha sa merkado kung saan walang kasiguruhan ang presyuhan, at sumisipa tuwing tumataas ang demand.

Napakagulo na nga ng usapin sa kuryente, pati itong P4P ay tila ba walang linaw kung ano ba talaga ang gustong mangyari.

Kung talagang pagpapababa ng singil sa kuryente ang layunin ng grupong ‘yan, sila dapat ang nangunguna sa pagsuporta sa napakaraming ginagawang bidding ng Meralco. At hindi lang ‘yan, bakit hindi sila mismo ang tumulong na makakuha ng interesadong kumpanya na mamumuhunan para magkaroon ng karagdagang suplay ng kuryente sa Pilipinas.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

48

Related posts

Leave a Comment