WALANG TIWALA ANG SENADO SA KAMARA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAWALAN ng tiwala ng mga senador sa mga congressman ang pangunahing dahilan kung bakit tulad ng sayaw na Cha-Cha, urong-sulong ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Saka lang siguro magkakaroon ng bagong Saligang Batas kapag nagkaroon muli ng hindi madugong rebolusyon tulad ng 1986 EDSA Revolution na nagpatalsik sa pamilyang Marcos sa Malacañang.

O kaya magkakaroon ng bagong Saligang Batas kung may isa pang “Marcos Sr.” na magdedeklara ng martial law at suspendihin ang 1987 Constitution at gumawa ng sariling bibliya ng mga Pilipino.

Pero hangga’t walang rebolusyon at martial law ay hindi magagalaw ang Saligang Batas na bunga ng pagpapatalsik sa diktaduryang Marcos dahil walang tiwala ang mga senador sa mga congressman o vice versa.

Ilang beses na bang tinangkang amyendahan ang 1987 Constitution? Nagsimula ‘yan noong panahon pa ni dating Pangulong Fidel Ramos sa pamamagitan ng people’s initiatives pero hindi umubra.

Sinubukan din kung ubra ang Constitutional Convention (ConCon) pero masyado raw mahal at walang kasiguraduhan na hindi iimpluwensyahan ng mga pulitiko lalo na ang mga congressman, ang ConCon delegates para isulong ang kanilang sariling interest tulad ng pagpapalawig ng kanilang termino.

Ilang beses na ring sinubukan ang Constituent Assembly (ConAss) kung saan magko-convene ang dalawang kapulungan ng Kongreso pero hindi magkasundo kung ano ang sistema ng botohan, kung hiwalay ba o ‘vote as a whole’.

Kung hiwalay ang botohan may laban ang mga senador pero kung ‘vote as a whole’, talo ang mga senador dahil 24 lamang sila kumpara sa Kamara na may mahigit 300 congressmen. Kakainin sila nang buhay, ika nga.

Wala ring tiwala ang mga senador dahil walang kasiguraduhan na sila ay hindi ia-abolish ng mga congressman kapag nag-Cha-cha lalo na kung ang sistema ng botohan sa bawat probisyon na gustong baguhin ay ‘as a whole’.

Marami kasi sa Kamara ang unicameral ang sistema ng lehislatura upang lahat ng panukalang batas ay siguradong maipapasa, kumpara ngayon sa Pinas na kahit anong dami ng inaaprubahan ng Kamara kung hindi ipinapasa ng mga senador ang kahalintulad na panukala ay mauuwi lang sa archived ng Kapulungan.

Kung ‘as a whole’ ang botohan na gawing unicameral ang sistema ng lehislatura, mananalo ang mga congressman dahil mahigit 300 nga sila habang 24 lamang ang kanilang kalaban kaya paano makukuha ang tiwala ng mga senador?

So, pagdududa ang pangunahing dahilan kung bakit hindi nagtatagumpay ang Cha-Cha bukod pa sa matamlay ang ordinaryong mamamayan sa pagbabago sa Saligang Batas lalo na kung ang pag-uusapan ay term extension ng mga pulitiko at ayaw ng mga Pinoy na buksan sa mga dayuhan ang 100 ownership sa mga lupain sa bansa dahil tiyak magiging pag-aari na ng Chinese nationals ang buong bansa kapag nagkataon.

103

Related posts

Leave a Comment