WALANG TURISTA, MAYROONG TERORISTA

PUNA

MAY nag-request sa PUNA na isulat daw natin ang mainit ngayong isyu, ang Anti-Terrorism Bill na isinusulong sa Kongreso.

Tanong nila sa atin, bakit daw tinututulan ito ng mga taga-oposisyon at ilang showbiz personalities?

Tatamaan daw ba sila nito? Hindi ba kaya nga Anti-Terrorism Bill dahil laban ito sa mga terorista?

Ayaw daw ba nilang tumahimik ang bansa natin?

May punto po ang sinasabi ng ating mga taga-subaybay na matagal nang naghihirap ang taumbayan dulot ng mga magugulong grupo.

Kung hindi naman sila sumusuporta sa mga terorista bakit naman nila tinututulan ang Anti-Terrorism Bill?

Siyempre nga naman kung magiging magulo ang Pilipinas hindi tayo uunlad.

Paano nga naman tayo dada yuhin ng mga turista?

Tulad sa Mindanao, napakaraming magagandang lugar at siksik sa likas na yaman bukod pa sa napakataba ng kanilang mga lupain.

Pero dahil madalas ang gulo, hindi napakikibangan ang mga magagandang natural na yaman, tulad ng mga karagatan at mga prutas na pang-world class.

Sa ganda at taba ng lupain sa Mindanao kahit ihulog mo lang ang buto ng prutas sa lupa ay tutubo na, lalaki at mamumunga.

Nariyan pa ang magagandang baybayin na potensyal na mga pang-world class beaches.

Sabi pa ng ating taga-subaybay kung mabuti ka namang tao bakit ka matatakot sa Anti-Terrorism Bill?

Imbes na makiisa ang ilang mga mambabatas sa layunin ng gobyerno na mawakasan na ang terorismo sa bansa ay sila pa mismo ang tumututol dito.

Sabi ng taga-subaybay ng inyong lingkod, “Sir, nakapagtataka kung bakit sila tumututol, protektor ba sila ng mga terorista?”

Noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, sa kabila nang gawaing para sa ikauunlad ng bansa, walang habas ang ginawang paninira at pagpukol ng mga akusasyon at isyu laban sa pangulo para dungisan ang kanyang pangalan sa taumbayan.

Panahon ni Marcos nang umusbong at umunlad ang ekonomiya ng Pilipinas kaya’t unti-unting nakikilala ang bansa sa buong mundo.

Pilit na inaalis ni dating Presidente Marcos ang mga terorista lalo na ang mga makakaliwa kabilang na ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army,

Subalit napagkaisahan ng mga elista si Marcos kaya’t gumawa ang mga ito ng hakbang kasama ang ilang makakaliwa upang mawala siya sa puwesto.

Nagsimula noon ang pagkawindang ng bansa at lumakas ang mga makakaliwang grupo dahil sa suporta ng ilang nasa puwesto na mula sa kaliwa ng samahan.

Ang totoo, napakasarap mamuhay sa bansang tahimik at walang panganib sa mamamayan ngunit kung hindi susuportahan ang presidente ng kanyang mamamayan, tiyak na mananatili ang kaguluhan.

Magandang tanungin ang mga personalidad na dinukot at nakaranas ng hirap sa kamay ng mga te rorista upang sila ang makapagsabi na kailangang maipasa ang Anti-Terror Bill.

Kung mawawala ang mga terorista, ngayon ang namamayagpag ay Abu Sayyaf, ay tiyak na dadagsa ang mga turista lalo na sa Mindanao kung saan napakaraming magagandang pasyalan.

Sa paglakas ng turismo, tiyak na pag-unlad din ng ekonomiya ng bansa.

Kaya nga, huwag na kontrahin ng ilang personalidad ang batas na isinusulong ng mga mambabatas.

Hindi dapat matakot ang mga taong marunong sumunod sa batas sa isinusulong na Anti-Terrorism Bill.

Kung hindi tayo magkakaisa at magsama-sama para sa iisang layunin na ikabubuti natin ay hindi tayo makakausad.

-oOo-

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

233

Related posts

Leave a Comment