DPA ni BERNARD TAGUINOD
MAY mga tradisyon ang Pinoy na pinahahalagahan at ipinapasa sa susunod na mga henerasyon tulad ng pagmano sa mga nakatatanda, pagtanggap ng mga bisita kahit hindi kilala kapag pista, pagtatali ng puting tela sa ulo ng mga namatayan, pag-aari ni bunso ang bahay ng kanilang magulang at kung ano-ano pa.
Pero itong tradisyon sa Kongreso na hindi kinakalkal kung papaano ginagamit ang budget ng Office of the President (OP) at Office of the Vice President (OVP) taon-taon, ay walang kwentang tradisyon na dapat nang baguhin.
Ang sabi ng mga matatandang mambabatas, panahon pa ni Limahong ay hindi na tinatanong pa ng Kongreso, kung saan gagamitin ng OP at OVP ang kanilang hinihinging budget bilang kortesiya raw sa dalawang pinakamataas na puwesto sa gobyerno.
Pagsisipsip lang ang tradisyong ito ng mga kongresista at senador sa Presidente at Bise Presidente at hindi nila iniisip na ang perang ginagastos ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa ay mula sa buwis na sapilitang kinokolekta sa mga manggagawa.
Karapatan ng bawat taxpayers na malaman kung paano at saan ginagastos ng pangulo at pangalawang pangulo ang hinihinging budget dahil mula ito sa kanilang dugo’t pawis pero dahil sa tradisyong ito napagkakaitan sila ng karapatan.
Malay ba natin na ang perang hiningi ng OP at OVP na inaprubahan ng Kongreso, ay nagamit sa pagpa-party lang o kaya ipinambili ng kung ano-anong mga bagay na wala namang kinalaman pagsisilbi sa bayan.
Kung tutuusin, maliit lang naman ang pondo ng OP at OVP kumpara sa mga line department na siyang nasa frontline sa pagsisilbi at pagpapatupad ng mga programa para sa kapakanan ng bansa at mamamayan.
Pero kahit na, kailangang pa ring malaman natin kung paano nila ito ginagamit at mangyayari lang ‘yan kung binubusisi rin ng Kongreso ang kanilang budget pero dahil sa tradisyong iyan ay hindi nangyayari.
Malas lang ni VP Sara Duterte dahil sa unang pagkakataon ay nabusisi kung saan niya ginamit ang kanyang confidential at intelligence funds noong 2022 at nabuko ang kuwestiyonable ang paggamit nito.
Pero dapat ding busisiin ang budget ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil P10 billion ang budget niya. Sabi ko nga, maliit kumpara sa line agencies pero bilyones pa rin iyan.
Kailangang sigurong malaman natin kung pera ba ng bayan ang ginagastos sa kaliwa’t kanang pagpa-party sa Malacañang dahil hindi biro ang gastos sa ganyang mga tipar. Kung sarili nilang pera, sige lang pero ibang usapan na kapag pera namin ‘yan.
Pero dahil nga sa tradisyong sinusunod ng Kongreso, hindi natin malalaman kung pera ba natin ang mga ginagamit sa kanyang pagtitipon na wala namang naitutulong sa buhay ng mahihirap at naghihirap na mga Pinoy.
36