WARAS RIVER BUHAYIN

Misyon Aksyon

MISYON Aksyon, isa po akong residente ng bayan ng Nabua na umaasang mabigyan ng konkretong aksyon ang aking kahilingan na maibalik ang dating magandang ilog ng Waras River at Bicol River na dating kaaya-ayang panoorin ang daluyan ng agos sa malawak at malinis na tubig.

Ngunit makalipas ang tatlong dekada mula nang ako ay mangibang-bansa nanlumo ako nang makita ang ilog ngayon na marumi at tambak ng mga basura.

Makikita mo ngayon na kulay itim at kaki na may masangsang na amoy habang lumulutang ang mga dumi at plastic ang masisilayan sa dating luntiang tubig ilog ng Waras River, Bicol River at maliliit na sapa.

Kaya umaapela kami sa aming mga kababayan sa Nabua na makiisa at matularan namin ang ginawang paglilinis sa malawak na baybayin ng Manila Bay na agad nalinis, dahil na rin sa sama-samang mga pagtutulungan ng mga ahensiya na sumasaklaw dito.

Kung nagawang linisin ng mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa kapaligiran dahil na rin sa isinusulong ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na mapangalagaan ito sa pamamagitan ng DENR, kakayaning maibalik ang dating malamig na simoy ng hangin mula sa kabundukan at mga luntiang kulay ng tubig sa mga ilog tulad ng sa amin.

Kaya sa pamamagitan po ninyo, Misyon Aksyon, maiparating sa mga kababayan natin na makiisa na magkaroon ng disiplina mula sa mga bata at matatanda na huwag gawing basurahan ang kalsada at huwag gumamit ng plastic na sumisira sa kalikasan.

Gumagalang, Mamay

Panawagan: Mayor Delia Simbulan at Congressman Salvio B. Fortuno, madam/sir, pakibigyan naman po ng solusyon ang daing ng inyong mga kababayan na buhayin ang ilog ng Waras at Bicol River. Maibalik sana ang dati niyang ganda dahil sa nawasak na po ito at nasalaula ng mga kababayan ninyo na walang pakundangang magtapon ng mga basura at makikita ang lahat ng uri ng dumi.

Sana magkaroon ng ordinansa sa pagbabawal ng paggamit ng mga plastic at pagtatapon ng basura. At maging seryoso sa total ban sa lahat ng uri ng plastic dahil makikita mo ang nagkalat sa kalsada na mga plastic. Mas mainam po na mabigyan ng pangil at mabigat na parusa ang mga mahuhuling nagtatapon ng basura at gumagamit ng plastic, para sa karagdagang tao na siyang magpapatupad nito.  (Misyon Aksyon /  Arnel Petil)

oOo

Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwanagan. Note: Problema sa SSS, GSIS, PAG-IBIG homeowners at iba pa. Cellphone no.:  SMART 09420874863 / 09755770656 email address: misyonaksyon@yahoo.com / arnel_petil@yahoo.com / arnelpetil12@gmail.comhttp://misyonaksyon.blogspot.com

5

Related posts

Leave a Comment