‘WEDER, WEDER’ LANG ‘YAN

EARLY WARNING

Bumalik mismo kay outgoing Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang kanyang pamosong katagang ‘weder, weder lang ‘yan,’ dahil matapos ang halalan nitong Mayo 13 ay tila halos tinapos na rin ng tao ang pamamayagpag ng Estrada-Ejercito clan sa politika sa mahabang panahon.

Siguradong hindi basta-basta matatanggap ni Erap na nilampaso s’ya ni Isko Moreno sa mayoral derby sa Manila kahit nag-concede na siya. Lalong masakit kasi ang ‘favorite’ n’yang anak na si Jinggoy Estrada ay hindi na rin pumasok sa Magic 12 sa Senate race at maging ang anak n’yang si Jerika, na tila ginu-groom n’ya para mag-succeed sa kanya, na kandidato sa pagka-konsehal sa lungsod ay nganga rin habang ang isa pang anak na si reelectionist Sen. JV Ejercito ay alanganin na ring makapasok.

Nand’yan pa sina E.R. Ejercito na natalo kay incumbent Laguna Gov. Ramil Hernandez at artistang si Gary Estrada na ‘di naging matagumpay sa pagtakbo n’ya bilang vice mayor sa Cainta, Rizal at mas masakit lalo sa amang si Jinggoy ang pagkatalo ni Janella Ejercito-Estrada laban kay Francis Zamora sa San Juan mayoral race.

Mayroon pa ba? Baka may nakaligtaan pa ako na mabanggit sa angkang Ejercito-Estrada, ‘sensya na dami kasi nila eh, hehe.

Ah basta tapos na ang halalan, let’s buckle down to work, ika nga. Sa mga kumandidato, kung talo, talo ka at kung panalo ka naman, ‘wag mong kalimutan ang mga pinangako mo, unahin mong gawin ito hindi ang magpayaman at bawiin ang mga nagastos mo at the expense of the peoples’ money!

Bad karma kay ex-VP Binay?

Masasabing bad karma ang nangyari kay ex-VP Jejomar ‘Jojo’ Binay sa naganap na halalan dahil mismong sa kanyang teritoryo at sa isang lugar lang sa lungsod ng Makati sa District 1 ay pinadapa s’ya ng dating vice mayor na si Romulo ‘Kid Peña sa kanilang congressional race.

Tunay na ‘di magandang senyales ang nangyari pero tunay na dagok ito sa dating bise presidente dahil na rin marahil sa kanyang walang patid na ambisyon na magpatuloy sa politiko kahit dapat ay rest, rest naman kung may time, ika nga, hehe.

Siguro mas aayunan pa siya ng maayos na takbo ng buhay kung sa halip na pinabayaan n’yang magbangayan at maglabasan sa harap ng publiko ng kanilang di kanais-nais na asal ang kanyang dalawang anak na sina incumbent Mayor Abby Binay, na mu­ling naiproklama bilang alkalde, at ex-mayor Junjun Binay, ay kanyang niresolba ito bilang ama at kilalang isang malaking politiko sa bansa.

Tuloy, mismong mga botante sa District 1 ang nagpasya, ayun ‘olats’ s’ya, buhay nga naman! (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

164

Related posts

Leave a Comment