PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI nagustuhan ng mga mambabatas sa isinagawang imbestigasyon ng House of Representatives, ang pabago-bagong pahayag ni whistleblower Jefferson “Jeff” Tumbado sa pagdinig ng Kamara kamakalawa kaya ipinakulong nila ito.
Si Tumbado ay ipinakulong ng Kamara dahil sa paiba-iba nitong pahayag hinggil akusasyon nitong katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Hearing no objection to the motion of Honorable (Rodante) Marcoleta citing Mr. Tumbado in contempt, the chair hereby declare Mr. Tumbado in contempt and be detain in Congress for a maximum of ten days,” ayon kay Antipolo City Rep. Romeo Acop, chairman ng House Committee on Transportation.
Dismayado at napikon si Cong. Marcoleta kay Tumbado dahil wala umano silang nakuhang maayos na sagot sa ibinulgar nitong katiwalian sa LTFRB.
Binanggit nito ang text message na nakuha ng mga mambabatas hinggil sa umano’y panghihingi ng lagay para sa prangkisa na noong una ay sinabi ni Tumbado na authentic subalit kalaunan ay inamin na splice kaya hindi na authentic.
Kaya sinabi ni Marcoleta na hindi dapat paniwalaan si Tumbado kaya nagmosyon siya na i-contempt ang whistleblower.
Ayon pa sa kanya, sinayang ni Tumbado ang oras ng mga mambabatas sa pagdalo sa hearing subalit wala namang nakuhang maayos na impormasyon sa kanya.
Kinuwestiyon din ni Marcoleta si Tumbado sa kanyang affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI) na nagsasabing natatakot ito sa kanyang kaligtasan kaya niya binawi ang alegasyon laban kay suspended LTFRB chairman Teofilo Guadiz II.
Itinanggi naman ni Tumbado na may nanakot sa kanya para bawiin ang kanyang mga pahayag sa press conference noong October 11.
Sinita ng mga mambabatas si Tumbado dahil sinira umano nito ang reputasyon ni Guadiz sa kanyang pagsisiwalat ng katiwalian ng chairman ng LTFRB.
Nauna rito, ibinulgar ni Tumbado sa press conference ang umano’y P5-M na bayad para sa franchise, special permit at modification of route at ang perang ito ay inihahatid umano ni Guadiz kay Department of Transportation Secretary Jaime Bautista para pampapogi sa Malakanyang para hindi siya maalis sa pwesto bilang LTFRB chairman.
May quota rin umano ang bawat LTFRB regional director na P2-M kaya hindi bababa sa P30-M kada buwan ang umaakyat na pera sa opisina ni Guadiz. Ganun?
Ang isyung katiwalian na ito ang naging dahilan ng pagsuspinde ng Malakanyang kay Guadiz na pansamantalang pinalitan ng Officer In Charge sa LTFRB.
Paano kung totoo ngang tinakot ang pamilya ni Tumbado kaya napilitan siyang bawiin ang kanyang naunang statement laban kay Guadiz? Ano ang gagawin ng mga mambabatas?
May impormasyon na natanggap ang PUNA, na hinarang umano ang pamilya ni Tumbado habang pauwi sila sa probinsiya, ito marahil ang dahilan kaya napilitan siyang bawiin ang kanyang naunang pahayag laban kay Guadiz.
Sana lumabas ang katotohanan sa isyung ito para maparusahan kung sinoman sa kanila ang nagkasala.
oOo
Para sa sumbong at reklamo, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
135