‘WHOLE-OF-NATION APPROACH’ MAPANGHATI, NAKAMAMATAY!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Para sa Lumad-lider at kinatawan ng Bayan Muna na si Rep. Eufemia “Ka Femia” Cullamat, ang bagong pakana ng gobyerno na kontra-insurhensya ay mapanghati sa hanay ng mga Lumad at nagreresulta sa paglabag ng karapatang pantao hanggang sa mga pagpatay. Ito ang Executive Order 70 o ang Whole-of-Nation Approach in Attaining Inclusive and Sustainable Peace.

Sa isang pagbisita sa mga komunidad ng Lumad sa Lianga, Surigao del Sur nito lamang Oktubre 21, napatunayan ang ganitong epekto ng EO 70 sa mga Lumad. Una, muling binasehan ng 3rd Special Forces Battalion ng Armed Forces of the Philippines sa komunidad. Ilang buwan nang nakahimpil ang mga militar sa komunidad. Ayon kay Ka Femia, may mahabang kasaysayan ng karahasan at abuso ang militar sa mga komunidad ng Lumad. Ito ang iniiwasan kung kaya’t ayaw ng mga Lumad na magkampo ang militar sa loob mismo ng mga komunidad.

Sa kasalukuyan, ginagamit ng militar ang EO 70 upang okupahin ang mga Lumad na komunidad nang walang pahintulot.

Alam ng mga Lumad ang tunay na dahilan kung bakit may okupasyon ng militar sa kanilang mga lugar. Hindi ito para sa kapayapaan kundi para ihawan ang daan ng mga proyekto at negosyo na nais ipasok sa lupang ninuno ng mga katutubo.

Malala pa, ginagamit ang EO 70 upang pahinain ang pagkakaisa ng mga Lumad. Ang mga Indigenous People Mandatory Representatives na itinalaga ng National Commission on Indigenous People ay ang mismo pang nagiging tagapagsalita ng mga militar, imbes na katawanin ang interes at tinig ng mga katutubo. Habang dapat sila ang tumitindig upang tiyakin ang karapatan ng mga Lumad, sila pa ang nagtutulak sa mga proyekto, nagpapapasok ng militar, at walang imik sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga katutubo.

Hindi matatapos ng EO 70 ang limang dekadang sigalot sa ating bayan dahil hindi nito tinutugunan ang ugat ng armadong pag-aaklas ng mga Filipino. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

158

Related posts

Leave a Comment