WIN-WIN SOLUTION SA TAAS PRESYO NG MGA BILIHIN UMUBRA KAYA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

INIHAYAG ni House of Representatives Speaker Ferdinand Martin Romualdez na susubukan niyang humanap ng “win-win solution” para sa mga tao at sa oil industry upang pansamantalang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Ito ang binanggit ni Romualdez sa pakikipag-usap niya sa oil players kasama ang House Committee on Energy sa Batasang Pambansa Complex kahapon, Lunes.

Ayon sa kanya, hirap na ang lahat dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin dulot ng mga oil price hike pero dikta kasi rin ‘yan ng pandaigdigang kalakalan o world market.

 

Sinabi pa ng pinuno ng Kamara, gusto niyang malaman kung ano suhestiyon nila (oil players) para maibsan kahit papaano, itong paghihirap ng mga kababayan natin dahil sa taas presyo lagi ng petrolyo.

Kasabay nito, sinabi pa niya na maaari nilang rebisahin ang excise tax o value added tax.

“Siguro i-suspend muna ang excise tax or VAT kung kinakailangan na talaga or kung ano ang plano ng Palasyo base on our report after this meeting,” banggit pa ng mambabatas.

Plano rin nila na kausapin ang canned goods at basic food manufacturers, kasama na ang supermarket association dahil nagpahiwatig ang mga ito na magtataas sila ng presyo ng kanilang mga produkto.

Kukumbinsihin din sila ni Speaker Romualdez kung pwede muna palipasin ang Pasko bago sila magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto. Sana nga pumayag ang mga negosyante.

Buti naman, naramdaman ng Kamara ang hirap na dinadanas ng taumbayan sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Maraming beses ko nang binanggit sa kolum ko na ito, na posibleng lalo pang tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin pagdating ng Disyembre dahil hindi na ito bumaba sa pagpasok ng Setyembre na unang buwan ng BER months.

Kaya ngayon pa lang ay inaasahan na ng taumbayan na magiging Paskong Tuyo ang kanilang pagdiriwang sa kaarawan ni Panginoong Jesus.

Kung magtatagumpay sana ang gagawin ni Speaker Romualdez na pakikipag-usap sa mga negosyante na ‘wag muna sila magtaas ng presyo ng mga bilihin, kahit paano ay maiibsan ang hirap na dinaranas ni Juan Dela Cruz.

Kaya lang kung pagpasok naman ng unang buwan ng taong 2024 (Enero) ay ituloy naman ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin ay mas lalo pang magiging mahirap ang mararanasan ng taumbayan dahil ubos na ang kanilang mga pera sa nagdaang holiday seasons.

Hindi sana panandaliang solusyon ang gawin ni Speaker Romualdez kundi pang matagalan nang makahinga naman sa kahirapan ang taumbayan.

Abangan na lang natin ang resulta kung pumayag ang mga negosyante sa mungkahi ni Speaker Romualdez na pansamantalang hindi muna itaas ang presyo ng mga bilihin ngayong taon.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

358

Related posts

Leave a Comment