‘WISH KULANG’

NATATANGI ang Paskong Pinoy. Ibang-iba sa paghahanda, sa paglalagay ng palamuti, pailaw at sa pagpapakita ng makulay na tradisyon at masayang kaugalian sa pagsalubong sa Kapaskuhan.

Iba ang haplos ng diwa ng Pasko, na panahon ng pagbibigayan at pagmamahalan, at kasama sa haplos ay ang Christmas wish.

May kanya-kanya nang hiling ang mga Pinoy – para sa sarili, sa pamilya, para sa iba at ukol sa bansa.

Ang bata ay naghahangad pa ring makatanggap ng regalo mula kay Santa Claus kahit pinagdedebatihan kung patuloy na papaniwalain ang mga bata na totoo si Santa. Nakangiti na sila sa tsokoleyt na natanggap, sabik sa laruan at damit na inaasam. Inosente sa problemang binabalikat ng mga magulang, lalo pa’t kapos.

Hiling ng mga magulang na mapasaya ang mga anak. Gagawin nila ang makakaya para maibigay ang Christmas wish ng mga anak, at magkaroon ng espesyal na Noche Buena, na sa mahirap na pamilya ay hindi mailalatag sa lamesa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sabagay, ayon sa DTI, kakayanin ng mga Pinoy na maghanda sa Noche Buena, at kahit P1,000 ay kasya nang panghanda.

Sa mahal ng bilihin ay mahirap pagkasyahin ang P1,000 lalo’t malaki ang pamilya. Paano pa ‘yung kahit P500 ay walang mailabas sa bulsa? Pinagkakasya na lang para maisalba ang selebrasyon. Kahit Kapaskuhan ay bitbit pa rin ng mahihirap ang pagtitiis.

Gayunman, ang mahalaga ay magkasama ang buong pamilya. Paano kung ang isa sa mga magulang ay nasa malayong lugar o nasa ibang bansa? Wish nila na makauwi. Iba ang lungkot at pangungulila ng nasa malayo tuwing Pasko.

Kung pagiging praktikal ang paiiralin ay tiyak na karamihan ay hiling na makatanggap ng regalong cash. Isang beses lang naman sa isang taon ang Pasko, at kailangan ang “datung” ngayong krisis.

Daming bersyon ng hiling. Minsan nakakaligtaan nang humiling ng maayos na kalusugan, mapayapang pamumuhay, kaligtasan sa sakuna at panganib.

Paparating na ang Pasko. Ano ang hiling mo? Handa na ba ang Christmas wish mo?

35

Related posts

Leave a Comment