YEAR OF THE WOOD DRAGON

EDITORIAL

ILANG tulog na lang, 2024 na! Handa na ba kayo sa pagsalubong ng Bagong Taon?

Year of the Wood Dragon ang 2024. Ang dragon ay simbolo ng puwersa o lakas, sigla, halina at inspirasyon.

Ang dragon ay nagpapakita ng kapangyarihan, kasaganahan at suwerte.

Magdadala ito ng pagbabago at pag-unlad. Ito ang tamang panahon ng masiglang pagsisimula para sa matatag na tagumpay. Kilala rin ang dragon sa kanilang talino at katapatan.

Isa sa mga nakaugalian partikular ng mga Pinoy sa pagsalubong ng Bagong Taon ay ang paggawa ng New Year’s Resolutions. Ano man ang pakay ay nasa gumagawa, na kung ang kanilang determinasyon para sa ikabubuti ay tutuparin.

Kalidad ng buhay pa rin ang isa sa nasa listahan ng resolusyon at hiling ng mga Pilipino.

Sa isang survey, nabatid na 48 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwala na gaganda ang estado ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.

Malaki naman ang pasasalamat ng karamihang Pinoy para sa kanilang mabuting kalusugan habang paparating na ang katapusan ng taong 2023.

Kapayapaan, swerte, kasaganaan, tagumpay at taon na puno ng pag-asa ang inaasam ng mga Pinoy.

Habang naghihintay sa pagbulaga ng bagong taon, masisilayan sa kilos at gawi ng mga tao ang kasiyahan at pananabik sa pagdiriwang ng Bagong Taon – ang panahong pansamantalang namamaalam sa isip ang pangamba, pag-aalala, at nakatuon ang atensyon sa pag-asa.

Ilan sa mga tradisyon ng mga Pinoy kapag New Year ay ang pagsusuot ng may bilog tulad ng polka dots, na salapi at swerte ang kahulugan. Ang mga bata ay lumulundag pagsapit ng alas-dose upang tumangkad. Dapat mayroong 12 bilog na prutas. Iniiwasan ang prutas na may tinik dahil ang tinik ay simbolo ng problema at hadlang.

Para sa pamilya ang Bagong Taon. Upang mahigpit ang bukluran ng pamilya ay nakagawian ang malagkit.

Hindi maaalis sa tao ang mga paniniwala at nakaugalian dahil lahat ay naghahangad ng maganda at tahimik na buhay.

Ang pinaka sa lahat na gawi ay ang pagsalubong sa Bagong Taon na maingay dahil magtataboy ito ng masasamang espiritu sa pagsulpot ng panibagong taon.

Kahit gumastos basta may torotot, fireworks at paputok kaya inaabangan ang makulay, maningning at masayang New Year countdown.

Sa likod ng pagdiriwang ay siguraduhin natin ang kaligtasan ng pamilya, kaibigan at ng bawat isa. Mahalaga ang pagsasaya, ngunit higit ang kasiyahan kung tayo ay ligtas pagpatak ng bagong taon.

Kayo, ano gimik n’yo sa pagsalubong ng Bagong Taon?

463

Related posts

Leave a Comment