YES TO ANIMAL DISEASE ACT

Maging Wais Ka-2

Limamput-walong baboy na suspetyang may African Swine Fever (ASF) ang nakitang lumulutang sa ilog na Marikina. Ito raw ay itinapon mula sa mataas na bayan ng lalawigan ng Rizal partikular sa Pililia.

Sa paglitaw ng problemang ito, lumitaw rin na limitado ang ating batas o mga polisiya na angkop sa paglutas ng mga ganitong problema.

Inihahanda na raw ng lungsod ng Marikina ang pagsasampa ng iba’t ibang klaseng demanda laban sa mga may pananagutan sa pagtatapon ng mga patay na baboy. P200,000 ang inilaan na pabuya ni Mayor Marcelino Teodoro sa sinumang makapagbigay ng impormasyon sa ginawang pambababoy ng kalikasan lalo na sa recreational river ng lungsod.

Pansamantalang pinatigil ng LGU ang lahat ng mga gawain sa Marikina River hangga’t hindi pa lumalabas ang resulta mula sa Bureau of Animal Industry (BAI). Inaalam ng pagsusuri kung kontaminado ang ilog at kung positibo sa African swine fever ang mga baboy na tinapon dito.

Ngunit mas malalim na problema ang nakita ng mga mambabatas kung hindi pumutok ang ASF. Hindi pa mabubunyag ang kakulangan ng mga beterinaryo sa ating mga munisipyo.

Nasasaad sa Local Government Code na tanging ang mga lalawigan lamang at mga siyudad ang mandato na maglagay ng veterianarian sa kanilang nasasakupan.

Umabot lamang sa higit na 40 veterinarians sa LGUs sa lalawigan at mga lungsod. Pero paano naman kaya ang mga munisipyo na walang kakayanan na maglagay ng item para sa isang beterinaryo? At kung mayroon man, ilan ang gustong sumabak na magtrabaho sa gobyerno? Mayroong 1,500 ang mga munisipalidad sa ating bansa.

Sa isang panayam ng CNN sa programang The Source with Pinky Webb kay Cong. Wilfrido Mark Enverga chairman ng House Committee on Agriculture, sinabi nito dahil sa problema sa ASF kailangan na bisitahin muli ang nilalaman ng batas tungkol sa National Livestock Program. Ayon kay Cong Enverga napapanahon na lamang na gumawa na rin ng batas ang Animal Disease Act kung paano matugunan ang problemang bumabagabag ngayon sa sektor ng agrikultura.

Aminado rin daw si House Speaker Alan Peter Cayetano na kailangang dagdagan ang budget sa agrikultura, at mas bigyang ipin ang kapangyarihan ng LGUs para tuwirang i-monitor ang mga itinayong backyard at commercial hograisers sa kanilang nasasakupan. Kailangan rin ng mga batas at penalty na mas mabigat para hindi na maulit ang pagtatapon ng mga patay na baboy na binaboy pang lalo dahil hindi na lamang ito ibinaon nang malalim sa lupa.

Mapupunang may kakulangan sa ating mga batas at sa ating kaalaman kung paano idi-dispose ang isang hayop na may infectious disease, para ‘di na ito makaapekto sa tao, sa kalusugan, at maging sa kapaligiran.  (Maging Wais Ka /Mon Ilagan)

153

Related posts

Leave a Comment