ZERO AYUDA

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

NITONG nakaraang Lunes ay pumila ako sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development upang humingi ng tulong sa porma ng cash aid o ayuda. Dala ko ang isusumite kong mga dokumento – health certificate, reseta at order ng doktor sa kailangan kong medical tests. Kalakip din ang aking certificate of indigency mula sa tanggapan ng barangay na tinitirhan ko bilang patunay na nakaharap ako sa kagastusan na mahihirapan akong tugunan dahil sa kasalukuyang krisis sa buhay na dinaranas ko.

Habang nakaupo ako sa pilahan, may nakakilala sa akin sabay sabi: “News reporter ka, bakit pipila ka sa ayuda?” Natawa akong may bahid ng lungkot. Ito ang de-kahong pagtingin o pagkakakilala sa sinomang nasa propesyon ng pamamahayag – mayaman at maimpluwensya.

Hindi ako kabilang sa mga ito. Katulad ng maraming Pilipino ngayon, dinaranas ko rin ang kahirapan kaya kumakatok ako sa opisina ng DSWD. Pero hindi ko ikinahihiya ang aking sitwasyon sa buhay. Lumalaban ako nang parehas at hindi ko ginagamit ang aking press card sa lisyang gawain o “pagpuputa” na dudungis sa aking propesyon.

Nasa 30 taon na ako sa mundo ng pamamahayag. Ang 26 dito ay bilang correspondent ng isang peryodikong nasyunal hanggang ngayon. Napamahal na sa akin ang trabaho sa kabila ng panganib at ngayon ay kasama na rin ang banta sa kalusugan sa katulad kong damatan na ay masasakitin pa.

Marami na akong nasagasaan sa linya ng aking pagbabalita. Nagalit sa pagbubunyag ko ng katotohanan na ayaw nilang mabuyangyang.

Ilang beses na akong sinubukang suhulan pero dinedma ko lang. Minsan ay pinagtangkaan akong patayin sa isang ambush ng riding-in-tandem. Pero hindi ko pa oras. Hanggang ngayon ay may bala pa ako ng kalibre .45 sa aking likod bilang ala-ala. Isang tuldok ang distansya sa aking spinal cord.

##########

Sa mahabang panahon ko bilang isang mamamahayag, hindi ako yumaman sa salapi. Ang konting naipon ko ay nalimas pa nang sumailalim ako sa angioplasty sa Philippine Heart Center, tatlong taon na ang nakararaan.

Impluwensya? Hindi ko ito nararamdaman. May ilang pagkakataon sa salpukan ng interes ay ako pa ang natatapakan ng mga nasa mataas na pedestal ng lipunan dahil kabilang ako sa mga nasa ibaba ng tatsulok kahit nasa panig ko ang tama at sila ang mali.

Now, nakakuha ba ako ng ayuda sa DSWD? Zero.

Wala na raw pondo. Tumawag na lang daw ako sa telepono nila at magtanong kung meron na. Ganito ang buhay ng naghihirap na Pinoy, kahit ang isang mamamahayag na katulad ko. May malas at swerte kahit sa paghingi ng tulong sa pamahalaan.

Sabi ng mga opisyales ng gobyerno ay kapartner nila ang media sa paghahatid ng impormasyon sa publiko. Pero bakit kapag nangangailangan ng tulong ang isang mamamahayag ay walang iniaabot na kamay ang pamahalaan?

Maliit na bagay lang ang hinihingi kong tulong sa DSWD. Pero marami pa akong mga kakosa sa propesyon lalo na sa mga probinsya – mga katulad kong matanda na at mas grabe pa ang mga sakit – ang mas higit na nangangailangan ng kalinga at suporta ng gobyerno.

Sana lang…magkaroon ng isang tanggapan ang pamahalaan na nakapokus sa pagbibigay ng anomang tulong sa mga mamamahayag na walang hihinging kapalit.

##########

May panawagan ang Comelec sa 68.6 milyon na mga rehistradong botante na lumahok sa darating na eleksyon dahil nakataya ang demokrasya sa bansa.

Pero hindi lang dapat ang pagboto ang maging panawagan. Nararapat din na may magsagawa ng kampanya upang imulat ang mga botante sa kahalagahan ng matalinong pagpili sa kandidato lalo na sa Senado at Kongreso. Sa munti kong kakayanan ay ginagawa ko ito sa programa ko sa radyo at sa pagsusulat ko ng kolum.

Ang darating na halalan ay isang krusyal na pagkakataon upang baguhin natin ang direksyon ng ating bansa sa pamamagitan ng ating balota.

Naglabas na ang Comelec ng listahan ng 65 na kandidatong senador sa darating na eleksyon. Tayo ngayon ang maghuhusga sa kanila kung nararapat ba silang maging bahagi ng Senado.

Ang marami sa mga ito ay matatawag na “trapo” o tradisyunal na politiko. May ilang mula sa angkan ng mga kilalang politiko sa bansa na nagnanais ipagpatuloy ang kawalang-delikadesa ng kanilang pamilya.

Meron din na mga sikat na gustong gamitin ang kanilang popularidad upang maging senador kahit na bobo at walang alam. Daragdag pa sila sa mga payasong nagbubutas lang ng kanilang upuan tuwing sesyon.

Nasa atin ngayon ang pagpapasya.

46

Related posts

Leave a Comment