NAKATAKDA nang suriin ng mga awtoridad ang mahigit 30 kilo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng tinatayang P159 milyon matapos itong matagpuan at isuko ng apat na mangingisda sa karagatan sakop ng Aparri, Cagayan.
Ayon sa ulat, tumitimbang ng 30.15 kilo ang mga paketeng narekober ng mga mangingisda na palutang-lutang sa dagat malapit sa Barangay Sanja, Aparri West, bandang alas-10:30 ng umaga, may layong 40 nautical miles mula sa hangganan ng Fuga at Camiguin islands.
Sinabi ni Cagayan Provincial Police Director Police Col. Mardito Anguluan na nakasilid ang hinihinalang cocaine sa isang parihabang itim na pakete na may markang double-G logo, bibig at dila.
May laman itong 26 na transparent plastic pack.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Aparri Police Station sa pangunguna ni Officer-in-Charge Police Maj. Vilmore Mallillin, kasama ang mga miyembro ng Provincial Intelligence Unit–Provincial Drug Enforcement Unit at 2nd Cagayan Mobile Force Company matapos matanggap ang ulat.
Isinuko ng mga mangingisda ang mga pakete sa mga awtoridad na agad namang ipinadala sa police crime laboratory para sa pagsusuri at kumpirmasyon sa uri at dami ng hinihinalang droga.
(JESSE RUIZ)
164 