DALAWANG sako ng hinihinalang cocaine na tinatayang may street value na aabot sa P214.4 million, ang na-recover ng mga tauhan ng Philippine Navy na nakatalaga sa BRP Ladislao Diwa (PS-178).
Ayon sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Philippine Navy, may 36 bricks ng pinaniniwalaang cocaine ang nasabat ng mga tauhan ng BRP Ladislao Diwa (PS-178) na nasa ilalim ng operational control ng Western Naval Command (WNC).
Sinasabing habang nagsasagawa ng maritime security patrol ay namataan nila ang dalawang sako na palutang-lutang, may 1.2 nautical miles southeast ng Piedras Point, Puerto Princesa City.
Lumitaw sa imbestigasyon, ang nakitang dalawang sako na lumulutang ay nagmula sa local fishing boat na F/B Shernie at nang buksan ay nabatid na naglalaman ito ng 36 bricks ng suspected cocaine na may estimated street value na P214.4 million.
Pagsapit sa NDOB Pier, pormal na ibinigay sa kustodiya ng Naval Intelligence and Security Group–West (NISG-W) ang pinaniniwalaang cocaine subalit agad din nilang ipinasa ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan para masuri, at para sa wastong disposition base sa established protocols.
Ang nasabing recovery ay resulta ng tuloy-tuloy na Maritime and Sovereignty Patrol (MARPAT/SOVPAT) operations, ng mga barko ng Philippine Navy para matiyak na mapangangalagaan ang Philippine maritime domains sa bisinidad ng WESCOM Area of Responsibility.
(JESSE RUIZ)
97
