WALANG balak ang gobyerno na pigilan ang mga bata at senior na bumisita at magtungo sa puntod ng mga namayapa nilang mahal sa buhay bago ang Oktubre 29 at pagkaraan ng Nobyembre 4.
Ito ang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque sa gitna ng gagawing pagsasara ng lahat ng pribado at pampublikong libingan sa mga nabanggit na petsa.
Tuwing araw aniya ng Undas ay dumadagsa ang mga mamamayan sa sementryo para alalahanin at bisitahin ang namayapa nilang mahal sa buhay at hindi aniya exempted ang mga bata at matatanda rito.
Kaya ang pasya ng gobyerno ay alisin ang age restriction sa gagawing pagtungo ng ating mga kababayan sa iba’t ibang sementeryo bago at pagkatapos ng petsang sarado ang mga sementeryo at columbarium.
Muli namang nagpaalala si Roque na paiiralin ang 30 percent allowed capacity sa mga libingan bilang bahagi pa rin ng hakbang ng gobyerno para huwag nang kumalat pa ang COVID-19.
“Ito pa po ha, iyong sa 30% na sinabi ko, hindi po mag-a-apply ang age restrictions sa mga bisita sa mga nasabing lugar dahil alam naman natin na talagang iyong mga seniors pati mga bata ay talaga naman pong inaalala rin ang kanilang mga mahal sa buhay – kung hindi sa November 1, then before October 29 or after November 4,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
278
