NAUDLOT ang biyahe patungong Romblon ng isang 26-anyos na lalaki matapos masabat sa Batangas Port dahil sa hinihinalang marijuana na natagpuan sa kanyang mga gamit.
Nasita ang suspek, residente ng Odiongan, Romblon, matapos makapansin ng kahina-hinalang lighter ang mga security personnel habang isinasagawa ang regular na inspeksyon ng mga bagahe sa Zone 3 ng Batangas Terminal Port sa Batangas City, noong Lunes, Nobyembre 9.
Nang inspeksyunin ang kanyang gamit, nadiskubre ang isang metal na lalagyan na may lamang bagay na kahawig ng sigarilyong nakabalot sa brown paper at isang lighter.
Agad humingi ng tulong ang port security sa Philippine Coast Guard para sa K9 inspection ng Coast Guard K9 Team Batangas.
Dalawang narcotics detection dog ang ginamit sa pagsisiyasat at kapwa nagpakita ng positibong indikasyon sa presensya ng hinihinalang bawal na droga.
Nasamsam sa suspek ang ilang stick ng hinihinalang marijuana, mga dahon nito, rolling papers, smoking pipe at iba pang personal na gamit.
Dinala ang nakumpiskang mga bagay sa PNP Maritime Group para sa laboratory examination habang nananatili sa kustodiya nito ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.
(NILOU DEL CARMEN)
180 