PCOL VERSOLA, BAGONG OIC DIRECTOR NG ZAMBALES PPO

PORMAL nang umupo si PCol. Dexter C. Versola bilang Officer-in-Charge (OIC) Director ng Zambales Police Provincial Office (PPO) matapos ang isinagawang turnover ceremony sa Camp Captain Conrado D. Yap sa Iba, Zambales noong Nobyembre 14, 2026.

Sa kanyang pag-upo, nangako si Versola na paiigtingin ang kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa lalawigan, kasabay ng pagpapalakas sa operasyon ng pulisya, pagpapanatili ng disiplina sa hanay ng mga tauhan, pagpapabuti ng mga pasilidad at paghahatid ng mas mahusay na serbisyo publiko.

Si Versola ay miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Sambigkis” Class of 2003 at may mahigit dalawang dekadang karanasan sa law enforcement, intelligence, strategic planning at police administration.

Pinalitan niya si PCol. Benjamin Ariola na ibinalik sa pambansang punong-himpilan ng PNP sa Camp Crame.

Bago ang kanyang bagong tungkulin, nagsilbi si Versola bilang Chief of the Statistics and Reports Division sa ilalim ng Directorate for Operations ng PNP National Headquarters.

Naging bahagi rin siya ng Police Regional Office 3 (PRO3), kung saan hinawakan niya ang mahahalagang posisyon bilang Chief ng Regional Plans and Strategy Management Division, Chief ng Regional Public Information Office at tagapagsalita ng PRO3.

Nagsilbi rin siya bilang Chief of Police, Provincial Mobile Force Commander at Intelligence Officer.

Sa kanyang unang command conference noong Sabado, ipinakilala ni Versola ang TEAM Zambales, isang balangkas ng pamumuno na nakasentro sa Transformational Leadership, Empowerment, Accountability at Mission Excellence.

Inatasan niya ang mga Chief of Police at unit commander na akuin ang mas malaking responsibilidad sa kanilang mga tauhan, palakasin ang operasyon at panatilihin ang disiplina sa kani-kanilang yunit.

Agad din niyang ipinag-utos ang random drug testing sa mga Chief of Police matapos ang kumperensya bilang bahagi ng kanyang paninindigan na panatilihing drug-free ang organisasyon at maging huwaran ang mga namumuno sa kanilang mga tauhan.

Ininspeksiyon din ni Versola ang punong-himpilan ng Zambales PPO, kabilang ang mga tanggapan ng operasyon at iba pang pasilidad, upang matukoy ang mga kailangang kumpunihin at pagbutihin.

Kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang pagsasagawa ng renobasyon at muling pagsasaayos ng mga espasyo sa opisina upang higit na mapakinabangan ang mga pasilidad at mabigyan ang mga tauhan ng maayos na lugar ng trabaho.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng kanyang paunang programa upang tugunan ang mga pangangailangan sa operasyon at administrasyon ng provincial police office.

Ang mga prayoridad ni Versola ay nakaayon sa PNP Focused Agenda ni PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. at sa estratehikong direksyon ni PRO3 Regional Director PBGen. Jess B. Mendez.

Sa kanyang bagong tungkulin, layunin ni Versola na ipatupad ang TEAM Zambales sa buong puwersa ng pulisya sa lalawigan, na may diin sa responsableng pamumuno, mahusay na operasyon at serbisyong nakatuon sa pangangailangan ng mga mamamayan.

(ELOISA SILVERIO)

418

Related posts

Leave a Comment