PINALALAWAK ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang imbestigasyon upang matukoy at mawasak ang buong drug network sa likod ng pagkakasamsam ng 67 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱455.6 milyon sa Zamboanga City.
Nilinaw ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na hindi magtatapos sa pagkakaaresto sa apat na suspek ang operasyon dahil kailangang matukoy ang mga pinagmumulan ng droga, financier, distributor at iba pang personalidad na sangkot sa ilegal na kalakalan.
“Inutusan ko ang ating mga kinauukulang yunit na palawigin ang imbestigasyon lampas sa apat na naarestong suspek at tukuyin ang lahat ng kawing sa likod ng ilegal na operasyong ito ng droga,” pahayag ni Nartatez.
“Dapat nating matukoy ang mga pinagmulan, financer, distributor, at iba pang personalidad na sangkot upang masira natin ang network, hindi lamang ang pagharang sa mga produkto nito,” dagdag niya.
Batay sa paunang ulat ng PDEA, nasamsam ang hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Arcillas Street, Zone 4, Barangay Mercedes, Zamboanga City, nitong Miyerkoles, Nobyembre 11.
Apat na high-value target ang naaresto sa operasyong tinawag na Oplan Shadow Ice o Coplan Shadow Ice, na pinangunahan ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Regional Office IX, NCR, Cebu at Zambasulta, katuwang ang PNP.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Sabirin Alisan, Shermahal Halisan, isang babae, Jul-Asbi Asakil at Abu-Darda Abdulhaih.
Ayon sa ulat ng barangay, limang buwan pa lamang naninirahan sa lugar ang mga suspek matapos umanong bumili ng ari-arian doon.
Unang nakumpiska ng mga operatiba ang humigit-kumulang dalawang kilo ng hinihinalang shabu sa isinagawang transaksyon dakong alas-4:52 ng hapon.
Sa follow-up search sa target na lugar, nakarekober pa ang mga awtoridad ng karagdagang 65 kilo ng hinihinalang shabu, kaya umabot sa 67 kilo ang kabuuang nasamsam na droga na may tinatayang halagang ₱455.6 milyon.
Bukod sa droga, nakumpiska rin ang mga cellphone, identification card, timbangan, isang sasakyan at iba pang kagamitang pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na operasyon.
Nahaharap ang apat na suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng pagbebenta at pagmamay-ari ng mapanganib na droga.
Binigyang-diin ni Nartatez na higit sa halaga ng mga nakumpiskang droga, mahalagang mapigilan ang posibleng pinsalang maidudulot ng mga ito sa mga komunidad sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa.
(JESSE RUIZ)
271 