1 PATAY, 2 SUGATAN SA KARAMBOLA NG 3 TRUCK SA QUEZON

QUEZON – Isa ang patay habang dalawa ang nasugatan matapos magkarambola ang tatlong truck sa Maharlika Highway, Brgy. Malinao Ilaya, sa bayan ng Atimonan sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.

Ayon sa Atimonan police, namatay ang isa sa mga driver ng truck na kinilalang si Julie Bose Jr., 35, tubong Masbate, at residente ng Brgy. Zapote, Bacoor, Cavite.

Batay sa report, palusong sa kurbadang bahagi ng highway ang trailer truck na minamaneho ni Bose, patungo sa direksyon ng Bicol, nang mawalan ito ng preno at nawala sa kontrol ang sasakyan dakong alas-9:30 ng umaga.

Bumangga muna ito sa isang Giga wing van truck na naka-park sa kabilang gilid ng kalsada, na patungo sa direksyon ng Maynila.

Natumba ang trailer truck at dumausdos hanggang sa sumalpok sa isa pang Aluminum wing van truck na hihinto sana sa shoulder ng kabilang lane sa likod ng Giga truck.

Sa lakas ng impact, nawasak ang tractor head ng trailer truck na nagresulta sa grabeng pinsala sa driver nito at agad nasawi.

Nakatalon naman ang pahinante nito na si Ranny Dela Cruz Macasinag, 27, taga Masbate, na dumanas ng bahagyang pinsala. Bahagya ring nasugatan ang driver ng Aluminum wing van truck.

Isinugod ang mga ito sa ospital para malapatan ng kaukulang lunas.

(NILOU DEL CARMEN)

53

Related posts

Leave a Comment