1 SA MGA SUSPEK SA PAGPASLANG SA LADY DRIVER SA LAGUNA, NATIMBOG

ARESTADO na ng Laguna police ang isa sa mga suspek sa brutal na pagpaslang kay Jingle “Jang” Lucero, ang lady driver na tinadtad ng saksak sa Calamba City.

Batay sa report ni Regional Director PBGEN Vicente Danao Jr., naaresto noong Biyernes si Shiela Montes Belarmino.

Si Belarmino umano ang isa sa tatlong sumakay sa kotse noong gabi na pinatay ang biktima.

Nakilala ang mga ito batay sa kuha ng CCTV at sa testimonya ng mga testigo.

Sa kuha ng CCTV, nakita na sumakay sa harap ng isang convenience store ang isang babae na naupo sa unahan ng kotse ng biktima samantalang sa likuran ang dalawang lalaking kasama nito.

Maghahatinggabi nang matuklasan ang bangkay ng biktima na batay sa pagsusuri ay nagtamo ng 52 tama ng saksak at isang hiwa sa leeg at iba pang bahagi ng katawan na siyang ikinamatay nito.

Bago pinatay ang biktima, galing ito sa bahay ng girlfriend na si Meyah Amatorio sa bayan ng Bay at umalis nang mayroong nagpa-book sa rent-a-car na pansamantalang trabaho nito.

Ayon sa pulisya, love triangle ang motibo sa krimen.

Si Belarmino umano ay “partner” din ng girlfriend ng biktima.

Noong Lunes ay sinampahan na ng kaso ang suspek.

Tiniyak naman ang pulisya na sa lalong madaling panahon ay maaaresto na rin nila ang lima pang sangkot sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)

77

Related posts

Leave a Comment