2 AMA PUMATAY NG KANILANG ANAK

DALAWANG ama ang pumatay ng kanilang anak, isa sa mga suspek ay nagpatiwakal, sa magkahiwalay na lugar.

Sa Iba Zambales, sinasabing naalimpungatan lamang ang isang lalaki at pagbalikwas nito mula sa higaan ay pinagtataga ang dalawa niyang anak na kapwa namatay bago isinunod ang kanyang asawa na malubhang nasugatan.

Dead on the spot ang batang pitong taong gulang at kapatid nitong dose anyos habang sugatan ang kanilang ina at isa pang kapatid sa hacking incident sa loob ng bahay ng pamilya.

Sinabi ng ina ng mga biktima na si Mary Jane Mercado, bigla na lamang umanong kumuha ng itak ang kanyang mister pagkagising nito.

Inawat ng ginang ang kanyang mister ngunit tinaga rin siya nito.

Sinabi ni Mercado na hindi naman lasing ang kanyang asawa at wala rin umano sa impluwensiya ng droga.

Samantala, dead on arrival naman sa pagamutan ang isang 11-buwang sanggol matapos umanong takpan ng unan ng kanyang ama bago nagbigti sa pinto ng tinitirhang bahay sa Brgy. South Daang Hari, Taguig City kamakailan lamang.

Kinilala ng pulisya ang amang si John Erick Maribao, 22-anyos, nagpatiwakal gamit ang kanyang sinturon.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nag-away sina Eric at live-in partner nito dahil sa selos kaya umalis ng bahay ang ina ng sanggol.

Sinasabing dahil sa sama ng loob, tinakpan ng unan ni Eric ang mukha ng sanggol at pagkaraan ay nagbigti ito gamit ang sinturon. (JESSE KABEL RUIZ)

 

71

Related posts

Leave a Comment