SULTAN KUDARAT – Dalawang armadong kalalakihan ang napatay ng militar sa engkwentro at nasamsam ang matataas na kalibre ng mga baril sa Barangay Lagandang, sa bayan ng Isulan sa lalawigan noong Linggo ng gabi.
Ayon sa isinumiteng ulat sa Western Mindanao Command ni Lt. Col. Tristan Rey Vallescas, commander ng 7th Infantry Battalion (7IB), nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa nagaganap na rido o clan war sa nasabing lugar dahilan para magsilikas ang ilang residente.
Mabilis na nag-deploy ang pamahalaan ng law enforcement operation team ngunit pagdating sa area, agad nagpaputok ang grupo ng armadong kalalakihan.
Gumanti naman ng putok ang militar na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang armado at pagkasugat ng isang sundalo na ngayon ay nasa stable nang kondisyon.
Nakumpiska sa crime scene ang ilang matataas na kalibre ng mga baril tulad ng 60mm mortar; M60 general-purpose machine gun at M16, gayundin ng rocket-propelled grenade; 14 RDS RPG ammo Sidik bomb; commercial radio; assorted IDs; at ATM cards. (JESSE KABEL RUIZ)
77