2 CUSTOMER NG RESTOBAR, SINAKSAK SA MASAMANG TINGIN

CAVITE – Hinihinalang dahil lamang sa masamang tingin kaya sinaksak ang dalawang customer ng isang lalaki sa isang restobar sa Cavite City noong Linggo ng madaling araw.

Nasa kustodiya na ng Cavite Component City Police Station ang suspek na si alyas “Ian”, nahaharap sa kasong frustrated homicide.

Ayon sa ulat, nag-iinuman ang suspek at mga biktima sa magkahiwalay na mesa sa Jazen Restobar sa Molino St., Brgy. 41, Cavite City nang mapatingin ang biktima na si alyas “Dan” sa mesa ng grupo ng suspek bandang alas-4:30 g madaling araw.

Hindi umano nagustuhan ng suspek ang pagkakatingin sa kanya dahilan upang lapitan nito si Dan at sinita na humantong sa kanilang pagtatalo at suntukan.

Pagkaraan ay bumunot umano ng patalim ang suspek at sinaksak si Dan.

Tinangka naman ng isa pang biktima na si alyas “Mar” na umawat ngunit maging ito ay sinaksak din ng suspek.

Mabilis na nagresponde ang mga operatiba ng Mobile Patrol ng Cavite CPS na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (SIGFRED ADSUARA)

45

Related posts

Leave a Comment