2 GANG MEMBERS, PATAY SA ENGKWENTRO

LAGUNA – Patay ang dalawang miyembro ng robbery holdup and gun for hire group sa buy-bust operation na nauwi sa engkwentro sa Sta.  Rosa City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ng Sta. Rosa City Police ang mga napatay na sina Bernaldo Mendoza at Jorge Almendra.

Si Mendoza ang umano ay lider ng Mendoza robbery holdup and gun for hire group na sangkot sa serye ng iba’t ibang krimen sa Quezon province at karatig na mga probinsya.

Sangkot din ang grupo sa illegal drug trade at mayroong warrant of arrest si Mendoza sa kasong murder kaugnay sa pagkakapatay sa isang pulis sa Camarines Sur noong 2015.

Si Almendra naman na konektado rin sa Fajardo drug group ng Laguna, ay siya naman umanong kolektor ng drug money ng sindikato at siya ring spotter at taga-survey sa kanilang mga bibiktimahin at lolooban.

Batay sa report ng Sta. Rosa City Police, nakipagbarilan ang dalawa sa mga miyembro ng Laguna at Quezon PNP sa Barangay Tagapo alas-9:30 ng gabi.

Nagkunwaring bibili ng baril mula sa mga suspek ang isang operatiba ngunit natunugan ito ng dalawa kaya nauwi sa barilan ng insidente. (NILOU DEL CARMEN/CYRILL QUILO)

73

Related posts

Leave a Comment