2 PNP OFFICIALS, ABOGADO PATAY SA SHOOTOUT

CAVITE – Dead on the spot ang isang police captain na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR), habang hindi umabot nang buhay sa ospital ang isa pang police captain, at isang abogado nang paputukan ng huli ang dalawang opisyal ng pulisya at gumanti naman ang mga ito sa isang subdibisyon sa Tagaytay City noong Linggo ng hapon.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente si Police Captain Adrian Binalay ng CIDG-NCR, habang isinugod sa Tagaytay City Medical Center sina Police Captain Tomas Ganio Batarao Jr., ng Calamba City Police Station, na sumasailalim sa schooling, at Atty. Dennis Santos, subalit hindi umabot nang buhay dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Naaresto naman ng mga operatiba ng Tagaytay Component City Police Station sa loob ng ospital sina Elver Mabuti at Benedicto Hebron, na umano’y retiradong sheriff na kapwa kasama ni Atty. Santos.

Ayon sa ulat, nagtungo sina Binalay, Batarao at isang sibilyan na si Babygen Magistrado, 46, sa Prime Peak Subd. sa Brgy. Maitim 2nd Central, Tagaytay City, Cavite bandang alas-2:00 ng hapon upang mag-inquire hinggil sa ibinibentang lote.

Pero pagpasok pa lamang nila sa gate ay hinarang na sila ng guwardiya at sinabihan na bawal pumasok.

Ngunit pumasok pa rin ang tatlo at nang nasa loob na sila ay lumabas mula sa kanyang minamanehong Hyundai Creta na may plakang NU 1370, si Atty. Santos at umano’y walang sabi-sabing pinaputukan ang mga biktima na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bagama’t may tama ang dalawa, nagawa pa nilang gumanti at tinamaan si Santos.

Dead on the spot si Binalay habang si Batarao at Santos ay isinugod sa ospital subalit hindi umabot nang buhay.

Inginuso naman ng saksi sina Mabuti at Hebron na kasama sila ni Santos na inaresto sa loob ng ospital at ngayon ay hawak na ng pulisya, Arestado rin ang guwardiya ng nasabing subdibisyon.

Nabatid na residente sa nasabing subdibisyon si Atty. Santos.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na awayan umano sa lupa ang motibo sa barilan. (SIGFRED ADSUARA)

71

Related posts

Leave a Comment