2 RIDER PATAY SA AKSIDENTE SA CAVITE

CAVITE – Dalawang motorcycle riders ang namatay makaraang maaksidente sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Arven Dumayo, 48, fish vendor, ng Brgy. Aniban 1, Bacoor City, Cavite, at Sandro Manlangit Manuel, 32, ng Brgy. Maliksi, Gen. Trias City, Cavite.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:40 ng gabi nang mangyari ang insidente habang minamaneho ni Dumayo ang kanyang motorsiklo at binabagtas ang kahaban ng Centenial Road.

Ngunit pagsapit sa Brgy. Panamitan, Kawit, Cavite nang umano’y nawalan ng kontrol sa kanyang manibela ang biktima at bumangga sa terrace ng isang bahay.

Mabilis na isinugod ang biktima sa Kalayaan Hospital ngunit makalipas ang halos 12 oras ay binawian ng buhay.

Magkasalubong namang binabagtas ang kalsada na sakop ng Brgy. Pasong Kawayan 1, Gen. Trias City, Cavite, nina Manuel na lulan ng motorsiklo, at Leonardo Fajardo na minamaneho ang isang Isuzu AUV na may plakang CCC 7444.

Ngunit sinakop umano ni Manuel ang kabilang kalsada dahilan upang makasalpukan nito ang sasakyan ni Fajardo na nagresulta sa malubhang pinsala sa katawan ng biktima.

Isinugod ang biktima sa Gen. Trias Medicare Hospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)

47

Related posts

Leave a Comment