2 TIMBOG, 4 PA TINUTUGIS SA HOLDAPER NA ‘PULIS’

PATULOY ang manhunt operation ng mga tauhan ng Philippine National Police sa grupo ng kalalakihan na nagpanggap umanong mga pulis at nanghoholdap ng mga convenience store.

Ito ay matapos maaresto ang dalawa sa anim na kabilang sa umano’y gumagamit ng uniporme ng mga parak at nag-o-operate sa Central Luzon, Rizal at Metro Manila, sa ikinasang hot pursuit operation ng pulisya sa Pampanga matapos na pasukin ang isang 24/7 store sa Taytay, Rizal.

Ayon sa ulat kay Bulacan Police director, PCOL. Relly Arnedo, ikinasa ang operasyon ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) kasama ang Plaridel Police Station, Pampanga PIU at San Simon Police kamakailan sa Barangay San Juan, San Simon, Pampanga.

Dito ay nahuli ang dalawang suspek na may alyas na “Jam”, 29, at “Mar”, 23, kapwa residente ng Brgy. Meysulao, Calumpit, kapwa tumangging may kinalaman sila sa kaso.

Ayon sa report, ang dalawang suspek ay sangkot sa panloloob sa isang convenience store sa Brgy. Tabang, Plaridel bandang alas-4:00 ng umaga noong Hunyo 24, taong kasalukuyan.

Narekober sa operasyon ang green Honda CRV na may plakang ULB 777, apat na plaka, dalawang caliber .38, mga bala nito, apat na keypad cellphones, police patrol shirt, police bull cap, pair ng GOA pants, reflectorized police vest, assorted groceries, P20,000 cash, cable tie plastic handcuffs, claw bar, sledgehammer at duct tape.

Sinasabing ang mga suspek ay sangkot sa serye ng robbery holdup sa mga probinsya ng Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Rizal at Metro Manila.

Ayon kay PLt. Col. Gaylor Pagala, hepe ng Taytay Police, nangholdap sa isang convenience store sa Taytay ang mga suspek dakong alas-2 ng madaling-araw.

“Itong mga suspect ay sakay o lulan ng isang SUV, tinangay nila ‘yung sales ng isang convenience store na more or less ay P500,000,” sabi ni Pagala.

Lumabas sa imbestigasyon, bago hinoldap ng mga suspek ang convenience store sa Taytay ay sinubukan pa umano ng mga ito na pumunta sa isa pang convenience store sa Antipolo.

Sinasabing pagkatapos nilang mangholdap sa convenience store sa Taytay ay dumayo sila agad sa Plaridel, Bulacan at nangholdap din ng isa pang convenience store dakong alas-4 kwatro ng madaling-araw.

Agad nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis para maaresto ang mga suspek.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong robbery holdup at illegal possession of firearms and ammunitions. (JESSE KABEL RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment