2 TIMBOG SA BARIL

CAVITE – Arestado ang dalawang lalaki dahil sa pagdadala ng baril sa bayan ng Tanza at Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga suspek na sina alyas “Andrei” ng Brgy. Punta 1, Tanza, at alyas “John” ng Brgy. Paliparan 1, Dasmariñas City, kapwa ng Cavite.

Ayon sa ulat, bandang alas-6:00 ng gabi nang nakatanggap ng tawag ang Tanza Municipal Police Station hinggil sa isang lalaki na namataan sa Brgy. Punta 1, Tanza, Cavite na armado ng baril.

Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, naaktuhan ang suspek sa lugar na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto at nakumpiska ang isang improvised short firearm at isang piraso ng 20 gauge na bala.

Armado naman ng isang kalibre 40 Forjas Taurus ang suspek na si alyas “John” nang maaresto habang pagala-gala at nagpaputok ng baril sa Block 14, Lot 78, Phase 3-C, Mullein Street, Greenwoods Heights, Barangay Paliparan 1, Dasmariñas City, Cavite bandang alas-10:45 ng gabi.

Bukod sa baril, nakumpiskahan din ang suspek ng isang magazine at walong bala.

Ang dalawa ay nasa kustodiya na ng Tanza Municipal Police Station at Dasmariñas Component City Police Station. (SIGFRED ADSUARA)

162

Related posts

Leave a Comment