20,000 BABOY NAMATAY SA ASF SA BULACAN

(NI ELOISA SILVERIO)

TINATAYANG umabot na sa mahigit 20,000 baboy ang nangamatay at pinatay sa lalawigan ng Bulacan na hinihinalang tinamaan ng sakit na African Swine Fever (ASF).

Nabatid na noong nakaraang buwan ay nagsimulang mangamatay ang mga alagang baboy mula sa commercial farms, partikular na sa mga backyard farm sa mga bayan ng Guiguinto, San Miguel at Lungsod ng Malolos.

Pinakahuling naiulat ay sa bayan ng Pandi na mahigit 1,000 ang pinatay habang 1,000 rin sa bayan ng Pulilan at 1,700 naman sa bayan ng Plaridel.

Ayon sa source, mahigit nang 20,000 baboy ang nangamatay at pinatay sa nabanggit na probinsiya sanhi ng mga sintomas na nagtataglay ng sakit na ASF.

Aniya, hindi pa kabilang dito ang mga backyard hog raisers na tinamad nang i-report ang mga alagang baboy na namatay at inilibing na lamang sa kanilang bakuran.

Nabatid pa sa source na mayroong hog raisers ang mahigpit na ipinagbilin at nagbigay ng payo na huwag munang kumain ng baboy makaraang magpositibo sa ASF ang ilang bayan sa nasabing lalawigan.

Kamakailan ay kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na positibo sa ASF virus ang mga baboy na namatay sa bayan ng Guiguinto at sinundan din ng pahayag ng barangay officials ng Bulihan sa bayan ng Plaridel na sa ASF disease ang sanhi rin ng pagkamatay ng libu-libong baboy dito nito lamang nakaraang linggo.

Hindi naman makumpirma ang nasabing datos dahil ayaw magbigay ng pahayag hinggil dito ang provincial veterinary office, maging ang ilang mga local officials ay ayaw din magbigay ng statement kaugnay ng mga pinapatay at namamatay na baboy sa kanilang mga nasasakupan.

Sa pahayag naman ni Bulacan Governor Daniel Fernando, sinabi nito na patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa lahat ng concern government agencies sa nasyunal na mayroong mandatos sa nasabing swine disease.

Ayon kay Fernando, mahigpit din nilang minomonitor ang bawat galaw ng mga hog raiser sa probinsiya at tinitiyak nila na wala munang lalabas at papasok na mga baboy sa Bulacan upang maproteksyunan ang iba pang mga hog raisers o ng hog industry.

374

Related posts

Leave a Comment